Maiuuwi mula sa Tokyo Olympics ang apat na medalya ng mga atletang Pinoy matapos masiguro ng boksingerong si Carlo Paalam ang isang bronze medal ngayong araw, Agosto 3 sa boxing competition na ginaganap sa Kokugikan Arena.
Nakatiyak ng medalya si Paalam matapos gapiin ang reigning Olympic champion na si Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan saquarterfinals ng men's flyweight division.
May tatlo na ring medalya na tiyak na maiuuwi ng mga Filipino boxers mula sa Tokyo matapos makasiguro nina Nesthy Petecio at Eumir Marcial sa kani-kanilang event.
Dahil sa panalo ni Paalam, ito na ang pinakamatagumpay na kampanya ng bansa sa quadrennial games magmula nang lumahok sila noong 1924.
Nalagpasan na nila ang tatlong bronze medals na napanalunan ng bansa noong 1932 Los Angeles Games.
Nakamit ni Paalam ang boto ng apat sa limang hurado sa second round nang ihinto ang laban may 1:16 pang natitirang oras dahil sa injuries kapwa ng dalawang boxers.
Dahil sa pagiging agresibo, nakakuha siya ng iskor na 20-18 mula sa apat na mga hurado at isang 19-all na naging susi ng kanyang panalo.
Susunod na makakasagupa ni Paalam ay si Ryomei Tanaka ng host Japan para sa tsansang umusad ng gold medal round sa Huwebes, Agosto 5.
Marivic Awitan