Ipinag-utos na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pagkakaloob ng libreng pasahe para sa mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na bakunado na laban sa COVID-19 at sasakay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Philippine National Railways (PNR).

Ayon kay Tugade, ang libreng pasahe para sa vaccinated individuals ay magsisimula na ngayong Martes, Agosto 3, at magtatagal hanggang sa Agosto 20, 2021.

Paglilinaw naman ni Tugade, maaari itong i-avail ng isang APOR kahit sila ay nakakaisang dose pa lamang ng bakuna.

“Ipinag-utos ko ang pagpapatupad ng LIBRENG PAMASAHE PARA SA MGA BAKUNADONG PASAHERO NG MRT-3, LRT-2, AT PNR simula bukas, 3 August hanggang 20 August 2021,” ani Tugade, sa isang paabiso.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Mas mahalaga sa amin sa DOTr ang kalusugan ng ating mga kababayan kaysa kita. Kaya naman simula bukas, libre na ang pamasahe ng mga bakunadong APOR, kahit nakaka-isa o dalawang dose na ang mga ito,” pahayag ni Tugade nitong Lunes.

Upang maka-avail ng libreng pasahe, kinakailangan lamang aniya na iprisinta ng mga APOR ang kanilang vaccination cards bilang patunay na sila ay nakatanggap na ng bakuna.

Magkakaloob naman ang Philippine Ports Authority (PPA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Manila International Airport Authority (MIAA) ng libreng kape, tubig at snacks para sa mga vaccinated persons na naghihintay ng kanilang biyahe sa mga pantalan at paliparan.

Mary Ann Santiago