Naghahanap ngayon ang Department of Labor and Employment o DOLE ng pondo na maaaring magamit pang-ayuda o cash aid sa mga manggagawang maaapektuhan sa muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine o ECQ sa ilang bahagi ng bansa, kabilang na ang Metro Manila.

“Ang alam ko po ay napag-usapan na po ito [cash aid] kasi may diniscuss na po sa amin ang aming kalihim, Si Sec. Bebot Bello,” ayon kay Undersecretary Benjo Benavidez sa isang panayam sa Laging Handa public briefing nitong Lunes, Agosto 2.

Mark Balmores/ File photo/ MANILA BULLETIN

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Napag-usapan po namin na maghanap ng available funding kung mayroon po sa ating General Appropriations Act o GAA para naman po matulungan po natin ang mga maaapektuhan nating manggagawa,” dagdag nito.

Sa pagbanggit nito ng GAA, tinutukoy ni Benavidez ang nakalaang budget ng DOLE sa national government ngayong taon.

“Ito po ay inaaral pa po namin kung saan po namin huhugutin ang pondo, dito po ba sa aming present GAA or kailangang mag-request kami sa DBM,” paliwanag ni Benavidez.

Gayunpaman, binanggit ng DOLE na mayroon na silang mekanismo para matulungan ang mga bulnerableng manggagawa kagaya ng flagship program nitong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.

Ipatutupad ang ECQ mula Agosto 6 hanggang Agosto 20 bilang paunang hakbang ng pamahalaan laban sa kumakalat na Delta variant na mas agresibong uri ng coronavirus disease o COVID-19.

Ellson Quismorio