Nag-alay ng mixed media art ang young artist na si Mary Ann Yu Lao para kay Hidilyn Diaz, ang kauna-unang atletang Pilipino na nagkamit ng gintong medalya, 97 taon matapos unang magpadala ng kinatawan ang Pilipinas sa Olympics.
Ayon kay Mary Ann, una niyang natunghayan ang kuwento ni Diaz nang mag-uwi ito ng gintong medalya sa 2019 Southeast Asian o SEA Games taong 2019.
“Natunghayan ko dati ang kwento ng buhay ni Hidilyn Diaz nung nagwagi siya sa SEA games at ngayon na nanalo siya, bumalik ang alaala na iyon. Labis na nakaka-inspire ang mga pinagdaanan niya kaya ko siya iginuhit,” pagsasalaysay ni Mary Ann.
‘Ginto’ ang napiling pangalan ni Mary Ann sa obrang iginuhit. Para sa kanya, hindi lang ito mababaw na simbolismo ng medalya na naiuwi ni Hidilyn para sa bansa kundi patunay pa rin na kahit sa gitna ng pandemya ay may pangarap na matutupad basta’t may pagpupursigi.
“Maraming simbolismo ang ginto sa kaniyang buhay. Maliban sa ito ang nakuha niyang medalya, ipinapahiwatig din nito na kahit sa panahon ng pandemya, mayroong pag-asa at maaaring maging daan ang sinuman sa pag-abot nito [pangarap] kung magpupursigi lamang,” pagpapaliwanag ni Mary Ann sa pangalan ng kanyang obra.
Sa tagumpay ni Hidilyn, inaasahan ni Mary Ann na wakasan na sa lipunan ang ‘gender stereotypes’, lalo na pagdating sa sports, sapagkat napatunayan ng atletang si Hidilyn Diaz na tunay ngang walang limitasyon ang kasarian.
Ang obra ni Mary Ann ay nabuo gamit ang mga materyales na charcoal, watercolor at gold leaf. Bilang isang young artist, hinihikayat niyang gumawa ng mga bagay na maghahatid ng pag-asa ang kapwa niya kabataan.
Dagdag niya, “Sa panahon ngayon, anumang simpleng akto ang gawin na mabuti, sa huli, ay magdudulot ito ng magandang bagay at posible pang maging inspirasyon sa mga taong lugmok at nangangarap.”
Kasalukuyang mayroong 359 reactions at 13 shares ang public post ni Mary Ann sa Facebook.
Si Mary Ann Yu Lao, 17, ay mula sa Julita, Leyte. Sa pagtungtong niya ng kolehiyo sa pasukan, plano niyang kunin ang kursong Bachelor of Science in Nursing.