Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 8,167 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang alas-4:00 ng hapon nitong Lunes, Agosto 2, 2021.

Batay sa case bulletin no. 506 ng DOH, nabatid na dahil sa naturang bagong bilang, umaabot na ngayon sa 1,605,762 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Gayunman, sa naturang bilang, 3.9% na lamang o 62,615 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa aktibong kaso, 93.9% ang mild cases, 2.1% ang severe, 1.48% moderate, 1.3% asymptomatic, at 1.2% ang critical.

National

Rep. Acidre, hinamon si Roque na tulungan OFWs na naaresto sa Qatar

Mayroon rin namang karagdagang 9,095 na bagong gumaling mula sa karamdaman kaya’t sa kabuuan, umaabot na ngayon sa 1,515,054 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.4% ng total cases.

Samantala, mayroon din namang 77 pasyente ang namatay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.

Sa ngayon, mayroon nang 28,093 total COVID-19 death toll sa bansa o 1.75% ng total cases.

Ayon sa DOH, mayroon ring 94 duplicates ang inalis nila mula sa total case count, kabilang dito ang 20 recoveries.

Mayroon ring 19 kaso na unang na-tagged bilang recoveries ngunit malaunan ay natukoy na aktibong kaso pa pala ang mga ito.

Mayroon ring 29 kaso na unang na-tagged na recoveries ngunit kalaunan ay natukoy na binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon.

Mary Ann Santiago