Magandang simula para sa Pilipinas ang unang araw ng Agosto matapos masiguro ni Eumir Marcial ang puwesto para sa medalya sa larangan ng boxing.

Pinatumba ni Marcial ang katunggali nitong si Arman Darchinyan, na manok ng bansang Armenia, sa loob lamang ng dalawang minuto.

Tubong Zamboanga City ang 25-anyos na si Marcial. Bata pa lamang ay hinubog na ito ng ama niyang si Eulalio Marcial o mas kilala bilang "Nong Lito."

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Larawan: Eumir Marcial/IG

Taong 2008 ay nagsimula nang magbukas ang pangarap ni Marcial sa ring. Aniya, naging inspirasyon niya ang kaniyang pinsan na si Anthony Marcial, na inirepresenta ang bansa noong 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, para pasukin ang mundo ng boxing.

"My cousin, he was on the national team before and also a professional boxer too. He was famous in my province before. I said to my father I want to become like my cousin. So my father started me training, kept me disciplined, every day," pagbabahagi niya sa panayam sa "Boxing News."

Kuwento pa ni Marcial, tumatak sa kanya ang payo ng kanyang ama na, ‘You need discipline, train hard, some day you [will] become Olympic gold medalist.’

Larawan: Eumir Marcial/IG

Para makatulong sa pamilya, ginawang pagkakataon ni Marcial ang boxing para kumita. Aniya, "If you win, they give you 30 USD, if you lose 20 USD. Every month you need to prepare to fight for the 30 USD. After that I [would] go home, I [would] buy rice or coffee to bring to my mother and give some money."

Nakapag-uwi ng gintong medalya si Marcial mula sa world junior championships sa kategoryang bantamweight, noong 2011 sa Astana, Kazakhstan.

Taong 2013, nang itanghal si Marcial bilang Best Asian Youth Boxer ng Asian Boxing Confederation (ASBC).

Bago sumabak sa Olympics, hindi naging madali ang buhay ni Marcial bilang atleta. Noong 2016, bigong makakuha ng puwesto para sa Olympic berth matapos itong matalo sa continental qualifiers.

Ang kanyang determinasyon ang nagdala sa kaniya sa pagkapanalo sa kaniyang laban. Nag-uwi ng silver medal si Marcial noong 2019 world championships. Kasabay na taon, nauwi ni Marcial ang kampeonato sa South East Asian (SEA) Games. Gayundin ang gintong medalya sa Tokyo 2020 Asia and Oceania Olympic qualifiers.

Ngayon, aabante si Marcial upang magbakasali sa gintong medalya. Nakatakda naman niyang makalaban ang pambato ng Ukraine at European champion na si Oleksandr Khyzhniak, sa Agosto 5.