Tatlong medalya ang tiyak na maiuuwi ng ating mga atleta mula sa Tokyo Olympics matapos makasiguro ng bronze medal ng boksingerong si Eumir Marcial.
Naisiguro ni Marcial ang ikalawang medalya ng bansa sa boxing competition ng Tokyo Games nang pabagsakin nito sa first round ng kanilang quarterfinal bout sa men's middleweight class si Arman Darchinyan ng Armenia sa Kokugikan Arena.
Ang panalo ang ikalawang first round win ni Marcial sa kanyang Olympic debut kasunod ng kanyang RSC win sa round of 16.
Pinabagsak ng isang solidong right hook sa mukha ni Marcial si Darchinyan sa canvass may nalalabi pang 51 segundo sa first round.
Ang susunod na makakatunggali ni Marcial ay ang kinatawan ng Ukraine na si Oleksandr Khyzhniak sa semifinal sa darating na Huwebes-Agosto 5 para sa tsansang lumaban para sa gold medal.
Nauna nang nakasiguro na mag-uuwi ng medalya si Nesthy Petecio na tiyak na ang silver medal makaraang sumalta sa women's featherweight division finals.
Marivic Awitan