Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng 8,735 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Linggo, Agosto 1.
Batay sa case bulletin no. 505 na inilabas ng DOH dakong alas-4:00 ng hapon, nabatid na dahil sa mga naturang bagong kaso ng sakit ay umaabot na ngayon sa 1,597,689 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang, 4.0% o 63,646 ang nananatiling aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa mga active cases, 94.0% ang mild cases, 2.1% ang severe, 1.45% ang moderate, 1.3% ang asymptomatic, at 1.2% ang critical.
Samantala, nadagdagan rin naman ng panibagong 5,930 ang mga pasyenteng gumaling sa karamdaman.
Sa kabuuan, umaabot na sa 1,506,027 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.3% ng total cases.
Mayroon rin namang 127 pasyente pa ang namatay dahil sa karamdaman.
Sa ngayon, pumalo na sa 28,016 ang COVID-19 death toll sa bansa o 1.75% ng total COVID-19 cases.
Ayon sa DOH, mayroon rin namang 11 duplicates na inalis sila sa total case count, kabilang ang walong recoveries.
Mayroon ring siyam na kaso ang naunang na-tagged bilang recoveries, ngunit malaunan ay natukoy na aktibong kaso pa pala.
Samantala, 75 kaso naman ang unang iniulat na gumaling na mula sa karamdaman, ngunit malaunan ay natukoy na binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon.Mary Ann Santiago