Dahil isasailalim na naman sa mas mahigpit pang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila simula Agosto 6-20 dahil na rin sa banta ng Delta variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), maaapektuhan na naman nito ang industriya ng pagkain sa bansa.
Isa lamang sa maaapektuhan ng quarantine restrictions ang restaurant owner at pilantropong si Rad Pelayo dahil tiyak na matitigil na naman ang operasyon ng kanilang negosyo sa loob ng dalawang linggo.
Sa kanyang Facebook post, hindi napigilan ni Pelayo na ilabas ang pagkadismaya sa hakbang na ito ng pamahalaan dahil aniya, "nagsisimula pa lamang silang bumangon sa epekto ng pandemya sa bansa."
"Okay lang naman sana, pero sana nabigyan man lang kaming mga resto owners ng maski ilang araw para maka-ready kami, or pinalagpas man lang ang weekend na ito," katwiran nito.
Marami na umano silang booking at reservations at dahil sa biglaang anunsyo ng ECQ, malaki ang posibilidad na mauudlot na naman ang mga ito.
Payo nito sa pamahalaan, hindi laging sagot ang lockdown upang masolusyunan ang problema hinggil sa COVID-19.
Maayos na implementasyon lamang aniya ng mga protocol, vaccination, at pagsasarado sa mga paliparan sa lahat ng papasok ng bansa para naman mapigilan ang paglaganap ng variant.
Giit niya, kung may sektor man na mahigpit na sumusunod sa mga direktiba ng IATF (Inter-Agency Task Force), ito ay ang food industry, partikular ang mga resto owner.
"Gosh, sumusunod kami sa lahat ng protocols n'yo, acrylic shields, rubber mat with disinfectant, limited number of seats, etc., etc na lahat 'yan may cost sa amin."
Panawagan niya sa gobyerno ay sana man lamang ay mabigyan din sila ng importansya.
"Imagine, some of us (resto owners) hindi po bababa sa ₱100-₱200K per month ang rent namin, then 'yung iba diyan almost wala pang 10% ang discount na binibigay? Ilan months na ba ang pandemic? Ano naman kaya ang protocols na ipagagawa n'yo? 'Yung mga pamilihang-bayan kaya, naaayos n'yo ang protocols?" pahayag pa niya.
Sa huling bahagi ng kaniyang post, sinabi niyang sana ay masolusyunan na ng panibagong ECQ na ito ang problemang kinahaharap ngayon ng bansa laban sa Delta variant.
Si Pelayo ay resto owner ng Serendipity Ph (fine dining resto), Avelina’s Kitchen (casual Filipino dining resto), Miguelitos Pares Atbp., na pawang matatagpuan sa Mother Ignacia, Quezon City.
Aktibo rin siya sa pagtulong sa mga frontliner, bago pa man magsimula ang pandemya. Nakapamahagi na sila ng humigit-kumulang 12,000 pack of meals para sa mga militar sa checkpoint, sa mga doktor, mga barangay tanod, mga street family at batang lansangan.