Buong Pilipinas ang nagdiwang matapos maiuwi ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang gold medal mula sa World Olympics. Sa gitna nito, ay ang balita na naiipit umano ang Chinese coach ni Hidilyn na si Kaiwen Gao sa naging resulta ng pagtatapat ng 'Pinas at China sa finals.

Nitong Hulyo 21, ipinakilala ng Hidilyn ang "Team HD," ang grupo ng mga tagapag-sanay niya para sa Olympics. Ito ay binubuo nina Coach Jeaneth Aro, nutritionist; Dr. Karen Trinidad, sports psychologist; strength and conditioning coach Julius Naranjo, kaniyang boyfriend; at kanyang weightlifting coach Kaiwen Gao, na isang Chinese.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Inamin ni Diaz sa panayam sa kanya ni Karen Davila sa “ANC,” na naging mainit ang tingin ng China Team kontra Coach Gao. Ito’y dahil hindi umano nagbigay ng impormasyon ang Chinese coach sa kung ano ang kayang gawin ni Diaz.

"Hindi makapaniwala 'yung China na ganito na 'ko kalakas. Siyempre, si Coach (Gao) din, hindi niya na-share sa China. Medyo nagalit kasi yung China din sa kanya, kasi hindi niya na-share saan 'yung lakas ko," pagbabahagi ni Hidilyn sa ANC.

Sa isang hiwalay na panayam naman ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) kay Hidilyn, sinabi nito na gusto nang bumalik ni Coach Gao ng China upang makasama ang pamilya nito kahit sa Disyembre pa matatapos ang kontrata nito sa kanya.

Larawan mula sa Instagram ni Hidilyn Diaz

"[Ang] plano for coach Gao is alam ko gusto na niyang umuwi. Dapat mag-extend siya hanggang December. Pero gusto na niyang umuwi para makasama ang pamilya niya," ani Diaz sa FOCAP nitong Hulyo 29.

Samantala, sinaluduhan naman ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang Team HD partikular na si Coach Gao.

Sa isang Facebook post sinabi nitong, "Truly humbled to see that a Chinese coach has helped in making this historic win happen for the Philippines!"

Umaasa rin si Ambassador Xilian na madadagdagan pa ang magandang resulta ng pakikipagkaisa ng Pilipinas at China sa iba’t ibang larangan lalo na sa athletics.

Sa edad na 64, marami nang sinanay na Olympians si Gao kabilang dito sila Chinese weightlifters Chen Xiexia na lumaban noong 2008 Beijing Olympics at Zhou Lulu na nag-uwi ng gintong medalya noong 2012 London Summer Olympics. 

Hindi na makakaila na masusungkit ni Diaz ang gintong medalya dahil kay Gao, na dating head coach ng women's team ng Chinese army. Matapos mag-retiro bilang team coach ng Chinese bayi noong 2018, ay naging mentor na ni Diaz si Gao.