BAGUIO CITY – Pagnanakaw ang lumitaw na motibo ng isang lalaki na aksidente umanong nahulog mula sa ika-anim na palapag ng isang hotel sa Legarda Road ng lungsod sa kasagsagan ng habagat nitong Hulyo 30.
Sa imbestigasyon ng Baguio City Police Office Station 5, nakatanggap sila ng tawag mula sa security guard na si Peter Esteras, ng Crown Legacy Hotel, na may nakabulagtang lalaki sa likuran ng gusali matapos umanong mahulog mula sa ika-anim na palapag ng hotel, dakong 5:30 ng umaga.
Idinahilan ni Esteras, nag-report sa kanya ang isang guest ng hotel na nagising umano sa ingay ng suspek na pumasok sa kanyang kuwarto at tinangay ang mahahalagang kagamitan.
Nakita umano ang suspek na lumabas sa bintana at nang sundan nito ay bigla na lamang umano itong nahulog mula sa ika-anim na palapag ng gusali.
Nabawi ng pulisya ang mga cellphone at pera mula sa suspek.
Ayon sa Baguio City Police Station 5 chief, Capt. Bob Stephen Pagurigan, nakilala ang suspek na si Marvin Rivera Dacanay, 26, taga-Aringay La Union, matapos magtungo sa kanilang tanggapan ang ina nito na si Helen Rivera Dacanay, 53, taga-Purok 24 San Carlos Heights, Baguio City.
Zaldy Comanda