Abot-kamay na ni Nesthy ang gintong medalya matapos niyang talunin via split decision si Irma testa ng Italy nitong Sabado sa semifinals ng women’s featherweight event ng Tokyo Olympics.

Larawan mula sa AFP

Lumaki sa pamilya ng mga atleta, si Nesthy Petecio ay tubong Bago Gallera, sa Davao City. Ang kanyang ama ay isang boksingero na minsanding nangarap na manalo ng Olympic gold medal para sa bansa. Ang mga kapatid naman ni Nesthy ay sinanay na kanyang ama sa boksing.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Larawan mula sa Instagram ni Nesthy

Mahirap ang kinalakihang pamilya ni Nesthy, ang kanyang ama ay isang magsasaka habang ang nanay niya ang nagmamando ng kanilang tahanan.

Sa panayam sa kanya ng “Go Hard Girls Podcast” noong Marso 2020, ibinahagi niya kung paano lamang sila nabubuhay noon.

“Mahirap talaga ang buhay namin noon. Makakakain kami puro utang. So ang ginagawa namin kapag may inter barangay na palaro sasali talaga kami kasi alam naming may premyo, manalo matalo may premyo kaya may pambili kami ng ulam, may pambili kami ng bigas,” aniya.

Tumutulong silang magkakapatid sa kanilang mga magulang sa pangongolekta ng mga “chicken droppings” na ibinebenta nila bilang fertilizers sa lupa at sa fish ponds.

Pag-amin ni Nesthy, hindi niya talaga unang nagustuhan ang boksing dahil basketball talaga ang nakasanayan niya.

Nasa 11-anyos pa lamang siya nang matuto sa boksing. Aniya, nakikitalamang niya na tinuturuan ng tatay niya ang kanyang mga kapatid.

Nanunuod lamang siya dati at sa tingin niya nakitaan siya ng kanyang tatay na potensyal at tinuruan siya ng mga pangunahing kaalaman sa boksing.

Noong una, laro lang para sa kanya ang pagboboksing dahil ayon sa kanyang tatay pang self-defense lang ang boksing.

15-anyos si Nesthy noong unang sumabak siya sa laban ng boksing sa isang palaro para sa pagdiriwang ng Araw ng Davao. Lalaki, aniya, ang naging una niya kalaban na kung saan mas magaling at mas malaki ito sa kanya. Ngunit hindi siya nagpatinag.

“Walang pagdududa, buo ang loob ko nun eh. Gusto kong makipagsuntukan,” pagbabahagi pa niya sa podcast.

Walang duda ring nanalo si Nesthy dahil sa determinasyon niyang matalo ang mayabang umano nitong kalaban.

“After ng laban na yun, yung mga nagtitinda doon nilibre ako ng softdrinks, ng pagkain, sobrang tuwa po nilang makakita ng babaeng boksingero,” kuwento pa ng atleta.

Matapos ang laban na iyon, dito na nadiskubre si Nesthy na isang lalaking nagngangalang Celestino Rebamonte at ipinakilala siya sa head coach ng women’s team na si Coach Roel Velasco na isang, bronze medalist ng Barcelona Olympics noong 1992.

Inabisuhan siya ni Coach Roel na sumali sa Philippine National Games noong 2007 kung saan nanalo siya ng gintong medalya at nakuha siya sa Philippine National Team.

Bagama’t hindi naging madali ang lahat sa kanya, dahil walang sapat na pera ang kanyang pamilya para ipadala siya sa Maynila at para suportahan ang bawat pagsasanay niya.

Ang pangarap ni Nesthy na makapunta ng Maynila at makapag-ensayo ay nabigyan ng pag-asa dahil sa tulong pinansyal ni Pangulong Duterte, na dating mayor ng Davao City noong 2007.

Mula sa Davao nagpunta ito ng Maynila na hindi kasama ang pamilya at nagsimula ring mag-ensayo sa Baguio.

“Nagtiis po ako. Umiiyak po ako. Nag homesick po ako. Almost 1 month ako iyak nang iyak kasi nga hindi ako sanay,” kuwento ni Nesthy sa kanyang panayam sa podcast.

Makalipas ang ilang taon, sumali siya sa 2018 Asian Games sa Jakarta na naging “heartbreaking loss” ni Nesthy sa larangan ng boksing. Ito ang naging sanhi ng pitong buwan na pagkadepres niya na tila kinuwestiyon niya ang sarili niya kung para sa kanya pa ba ang pagboboksing.

Noong 2019, sinubukan niya ulit lumaban at matagumpay naman niyang nakuha ang gintong medalya sa AIBA’s Women’s Boxing Championships sa Russia at naging daan ito para makapasok sa Tokyo Olympics.

Ngayong 2021, natalo niya ang mas matangkad niyang kalaban na si IrmaTesta ng Italya na naging dahilan para mabigyan siya ng pagkakataon na makuha ang pangalawang ginto ng Pilipinas sa Tokyo Olympics.

Larawan mula sa AFP

Malaki na ang pinagbago ng buhay ni Nesthy at ng kanyang pamilya. Mulasa pagkain na puro utang, ngayon ay kaya na nilang kumain na hindi mangungutang.

Saludo kami sa’yo, Nesthy Petecio!