Posible umanong umakyat pa rin ng hanggang 30,000 ang aktibong COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) pagsapit ng Setyembre 30, kahit pa nagpapatupad na ngayon ng heightened restrictions at napipinto ang implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon sa susunod na linggo.

Ito ang reaksyon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire at sinabing sa nakikita nilang mga scenario ay posibleng tumaas pa ang bilang ng mga aktibong kaso ng sakit ng mula 18,000 hanggang 30,000 kahit naka-ECQ, base na rin sa projections ng Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler (FASSSTER) at Autumn groups.

“Dito po sa mga scenario nakakita po ng increase in the number of [active] cases from 18,000 to 30,000 plus cases. ‘Yan ay naka-ECQ na po tayo,” aniya pa, sa pulong balitaan, nitong Sabado, Hulyo 31.

Paliwanag ni Vergeire na ang projections ay base sa dalawang scenarios: Ang NCR sa ilalim ng one week general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions kasunod ng three-week enhanced community quarantine (ECQ) at isang four-week ECQ.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Please take note that these are initial projections and DOH with our Experts have provided comments and recommendations to further improve on this,” aniya pa.

Ipinaliwanag rin naman ni Vergeire na ang mga naturang lockdown ay makatutulong upang maihanda ang ating health system gayunman, hindi nito makokontrol ang pagkalat ng virus.

“Kailangan iprepara ang system, gawin natin ang mga dapat gawin para ma-prevent ang further spread ng Delta variant,” aniya pa.

Samantala, sa kabila naman ng banta ng Delta variant, hindi pa maaaring ideklara ng DOH ang isang community transmission dahil ang genome-sequenced cases ay individually linked pa lamang sa isa’t isa.

Sa ngayon, mayroon nang 216 kaso ng Delta variant sa bansa.

Mary Ann Santiago