Sang-ayon ang Department of Health (DOH) sa pagsasagawa ng house-to-house vaccinations upang ligtas na makapagbakuna ng mamamayan laban sa COVID-19.
Sa isang pulong balitaan nitong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na makatutulong din ang house-to-house vaccination para masigurong bakunado ang mga komunidad.
Mas ligtas din aniya ito dahil may mga tao lang na iikot at magbahay-bahay sa halip na sila pa ang pumunta sa vaccination sites at pumila ng mahaba.
“Sa tingin namin maganda 'yan na strategy, kasi una sa lahat, hindi magkukumpul-kumpol ang mga tao. Ang iikot po ang [mga magbabakuna] at hindi na kailangang pumunta sa ibang lugar para magpabakuna,” pahayag pa ni Vergeire.
Bukod dito, isinusulong din ng DOH ang pagkakaroon ng iba pang ligtas na pamamaraan sa pagbabakuna, gaya nang pag-i-iskedyul ng bakuna at pagkakaroon ng mas malalaking vaccination sites para matiyak na mayroong physical distancing.
“Gagawa tayo ng safe vaccination sites kung saan sisiguraduhin natin na hindi tayo magkukumpulan kapag tayo ay magpapabakuna na. There will be scheduling, we will be using bigger vaccination sites. Mas madali po ang mobilization ng [babakunahan] and [magbabakuna] para makapagpabakuna tayo ng mas marami,” aniya.
Matatandaang matapos na makapagtala ng local transmission ng Delta variant ng COVID-19, hiniling ng Metro Manila mayors sa pamahalaan na magpatupad muli ng enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon para mapigilan ang higit pang pagkalat ng naturang mas nakahahawang sakit.
Inaprubahan naman ng pamahalaan ang pagpapatupad ng ECQ sa rehiyon, na iiral simula Agosto 6 hanggang 20.
Tiniyak na ng gobyerno na kahit may ECQ, tuloy ang pagbabakuna sa mga residente sa rehiyon upang maproteksiyunan sila laban sa COVID-19.
Mary Ann Santiago