Naniniwala ako na hindi kailanman mapapawi, manapa't lalo pang iigting, ang kagalakan at pagpupugay ng sambayanang Pilipino sa tagumpay ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympic kamakailan. Isipin na lamang na makaraang halos isang dantaon -- 97 taon -- simula nang unang lumahok ang Pilipinas sa Olympiada, ngayon lamang nasungkit ng ating kababayan ang kauna-unahang Olympic gold medal.
Dahil dito, mistulang binuhat at pinagaan ni Hidilyn -- ang weightlifter champion na tinaguriang 'Wonder Woman' -- ang bigat ng pananabik at pagka-uhaw sa medalyang ginto nang sambayanang Pilipino. Ngayon, natitiyak ko na taas-noo nang maipagmamalaki ng ating mga kababayan na ang ating bansa ay nakaukit na nang malalim sa pandaigdig na mapa o world map ng palakasan o sports.
Dapat lamang asahan, kung gayon, na si Hidilyn ay pag-ukulan ng walang katulad na pagdakila ng mismong mga Pilipino kundi maging ng iba pang bansa sa planetang ito. Kaakibat nito, tulad ng dapat asahan, ang pagkakaloob sa kanya ng lahat na yata ng anyo ng pagpaparangal, kasunod ng pagkakaloob sa kanya ng mga biyayang tila sa pangarap na lamang yata natin makikita; mga biyaya na kung minsan ay nababahiran ng pagsakay ng ilang pulitiko sa tagumpay na maituturing na dangal ng lahing Pilipino.
Ang pambihirang tagumpay ni Hidilyn, sa kabilang dako, ang pinaniniwalaan kong isang epektibong eye opener, wika nga, hindi lamang sa ating gobyerno kundi maging sa pribadong sektor na may matinding malasakit sa pagpapaunlad ng palakasan sa bansa. Ito ang pagkakataon na lalo pang paigtingin ng iba't ibang ahensiya ng palakasan ang nakalatag nang mga sports program.
Ang naturang tagumpay ng lady weightlifter ay isang panawagan sa sinasabing mga pagkukulang at pagwawalang-bahala sa pagsusulong, halimbawa, ng mga panukalang maglalaan ng sapat na pondo para sa pagsasanay ng ating mga atleta sa iba't ibang larangan ng sports.
Ito ang angkop na pagkakataon upang pasiglahin ang tinatawag na grassroots sports program na matagal nang pinausad ng nakaraang mga administrasyon. Kinapapalooban ito ng pagtuklas ng mga atleta na maituturing na potential medalist. Nasa mga kanayunan ang mahuhusay at malalakas na manlalaro na marapat sanayin.
Hindi dapat panghinayangan ang paglalaan ng limpak-limpak na sports funds, tulad ng ginagawa ng ibang bansa. Kalabisang sabihin na sa pagsilang pa lamang, sinisimulan na nila ang pagtuklas ng pakikinabangang mga atleta. Hindi ba si Hidilyn ay 10 taong gulang pa lamang nang magsimulang magkahilig sa pagbubuhat ng barbel?
Naniniwala ako na ang ganitong mga estratehiya ang epektibong sistema upang madagdagan ang ating mga Olympic medals.
Celo Lagmay