Prangka at kontrobersyal subalit isang taong may mabuting puso at kalooban---ganyan inilarawan ng kanyang mga kaibigan at kakilala si Manuel "Manoling" Morato, ang dating chairman ng Movie and TV Review and Classifications Board (MTRCB) sa administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino, at board director ng Philippines Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa panahon naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Kinumpirma ng mga kaanak sa “ABS-CBN News” ang pagpanaw ni Manoling sa edad na 87 nitong Biyernes, 2:30 ng hapon, sa isang ospital sa Quezon City, dahil umano sa COVID-19. Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang MTRCB, sa pamumuno ni Rachel Arenas, sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page.

"The whole of the MTRCB family joins in mourning the loss of Manuel "Manoling" Morato, Former Chairperson and legend of the Philippine entertainment industry. Your contributions to history, the national discourse and the lives of the Filipino people will remain ever large in our hearts. You will be missed Sir!" saad sa FB post.

Bukod sa pagiging isang public servant nakilala rin si Manoling bilang isang matinik at kuwelang TV host, na talagang "loding-lodi" ng kanyang mga katrabaho.

Kabahayan sa Isla Puting Bato sa Tondo, tinutupok ng apoy

Bilang MTRCB chairman, nakilala si Manoling sa pagsugpo sa mga "penekula" o penetration films na sikat na sikat noon.

Isa sa mga nabengga niya ang pagsusugal umano ni dating Pangulong Erap Estrada sa isang casino, sa pamamagitan ng footage ng security camera video. Kaya nang manalo si Erap sa pagkapangulo noong 1998, 'naligwak' ang kanilang talk show. Nang mapatalsik naman si Erap mula sa puwesto at mapalitan ni Gloria Macapagal Arroyo o GMA, nag-come back sa limelight si Manoling: siya ang itinalaga bilang board director ng PCSO.

Sinubaybayan din ng lahat ang "galit-bati relationship" nila ng dati ring naging head ng MTRCB na si Armida Siguion-Reyna (SLN) na sumakabilang-buhay noong 2019. Aniya, hindi naman daw talaga sila

magkaaway ni Tita Midz, binibigyang-kulay lamang daw nila ang movie industry. Pandagdag sa rekados, wika nga.

Ngunit tulad nga sa kahit na anong TV show o pelikula, nagwakas din nang maayos ang slight tampuhan nila sa isa't isa.

Hindi man siya nagtagumpay sa kanyang tangkang pagtakbo bilang senador, winner na winner naman siya sa puso ng kaniyang mga kaibigan, pamilya, at kaanak.

Ayon mismo kay Maggie de la Riva na kasama niya sa weekly talk show na "Dial M" na umere sa state-owned network na “National Broadcasting Network,” malungkot siya sa mga nangyari kay Manoling, subalit kahit na walang preno ang bibig nito sa mga binibitiwang komentaryo, masasabi naman daw niyang mabuting tao ito. Mami-miss daw niya ang kakulitan nito, bilang kaniyang co-host.

Maging ang grandnephew ni Manoling na si Kapamilya actor Jake Cuenca, hindi pa rin makapaniwala sa mabilis na pagkawala ng kanyang lolo. Mas gusto raw niyang maalala ng lahat ang kaniyang Lolo Manoling sa pagiging mabuti nito. Marami raw kasi itong natulungan lalo na sa kanilang mga kaanak.

Pakikiramay sa buong pamilya ni Manoling!