Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 8,147 bagong kaso ng COVID-19 nitong Sabado, Hulyo 31.
Batay sa case bulletin no. 504 na inilabas ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na ngayon sa 1,588,965 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang, 3.8% o 60,887 pa ang aktibong kaso kabilang ang 93.8% na mild cases, 2.1% na severe, 1.52% na moderate, 1.3% na critical at 1.3% na asymptomatic.
Nakapagtala rin naman ang DOH na 9,117 pa na mga pasyente na bagong gumaling sa karamdaman hanggang nitong Sabado.
Dahil dito, umaabot na ngayon sa 1,500,189 ang total COVID-19 recoveries sa bansa.
Samantala, mayroon din namang 167 pang pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.
Sa kabuuan, mayroon nang 27,889 total COVID-19 deaths ang Pilipinas na 1.76% ng total COVID-19 cases.
Ayon sa DOH, mayroon rin namang anim na duplicates, na pawang recoveries, ang inalis mula sa total case count.
Mayroon rin namang dalawang kaso na dati nang na-tagged bilang recoveries, ngunit nang i-validate ay aktibong kaso pa pala.
Samantala, 102 kaso naman na unang naiulat na nakarekober na, kalaunan ay natukoy na binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago