Nakapasok na si EJ Obiena sa Tokyo Olympics men's pole vault finals matapos mapabilang sa top 13 ng qualifying round sa Japan Olympic stadium nitong Sabado, Hulyo 31.
Sa kanyang final attempt, nakuhang talunin ni Obiena ang baras na nakataás ng 5.75 meters upang mapabilang sa mga finalists. Magaganap ang finals ng men's pole vault sa Martes, Agosto 3, dakong 6:20 ng gabi (oras dito sa Pilipinas).
Nalagay pa sa alanganin ang world No. 6 na si Obiena makaraang mag-foul ng dalawang beses sa kanyang attempts sa 5.75 meters matapos ang kanyang perfect run sa 5.50 meters at 5.65 meters.
Umaasa ang 25-anyos na si Obiena na huhusay pa ito sa paglalaro matapos ang kanyang naging preparasyon kung saan dalawang ulit niyang nabura ang national outdoor pole vault record na ngayon ay 5.87 meters na.
Marivic Awitan