QUEZON - Nagtatago na umano ang isang konsehal ng Gumaca matapos muling buhayin ang kasong rape na isinampa ng isang dalaga laban sa kanya, kamakailan.
Si Municipal Councilor Noel Dacillo, taga-Barangay Labnig, ay inireklamo ni Ara (hindi tunay na pangalan), 23, taga-Sto. Tomas, Batangas na ginahasa umano nito noong 2012.
Naiulat na nangyari ang insidente noong menor de edad pa lamang ang biktima, gayunman, ang dating naisampa niyang kaso ay iniurong nito matapos hikayatin ng kanyang tiyahin at lolo na gawin ito.
Isinalaysay ng biktima, ang panghahalay ay naganap noong siya ay Grade 5 pa lamang matapos itong kupkupin ng pamilya Dacillo mula nang mabilanggo ang mga magulang nito.
Bago pa mapunta sa pamilya ni Dacillo ang biktima, inihabilin muna ito ng kanilang magulang sa kanilang tiyahin hanggang sa lumayas ito matapos umanong gawan ng kahalayan ng tiyuhin.
Sa ngayon, hawak pa rin ng provincial prosecutor's office ang reklamo ng biktima.
Danny Estacio