Tinambangan ng pinaniniwalaang mga miyembro ng komunistang grupo ang ilang tauhan ng Calbayog City Police Station, na nagka-convoy sa staff ng Calbayog City Health Office na kukuha sana ng COVID-19 vaccines nitong Martes, Hulyo 27.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa ng convoy security ang ilang miyembro ng pulisya, na patungo sa Department of Health (DOH) Regional Office 8 sa Palo, Leyte upang makuha ang COVID-19 vaccines na ipamamahagi sa mga residente ng Calbayog city.
Sa ulat ng Police Regional Office 8, matapos ang inisyal na pagpapaulan ng bala, isang Improvised Explosive Device (IED) ang pinakawalan ng ilang hindi natukoy na miyembro ng komunista-teroristang grupo upang makontrol ang pag-atake.
Wala namang naitalang casualty at pinsala sa pananambang.
Samantala, agad na ipinag-utos ni Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar ang isang all-out pursuit operations laban sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na nasa likod ng atake.