Pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabakuna matapos itong mabahala dahil sa pagpasok ng Delta coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant sa bansa.
Sa kanyang Talk to the People program sa People's Television Network, aminado ang Pangulo na lumilikha ng pagkatakot ang mga balita tungkol sa Delta variant dahil mas agresibo ito kumpara sa orihinal na variant.
Inamin din ni Duterte na hindi na kaya ng bansa na "bumalik pa sa dati" kapag patuloy na tumataas ang kaso ng Delta variant.
“Four times more aggressive. [Its] transmissibility is faster than the usual Covid-19. Nakatatakot nga. So the best way really is to double the time in the inoculation of people. Iyan lang talaga ang paraan natin," sabi pa ni Duterte.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 119 ang kaso ng Delta variant sa bansa, kabilang ang 12 na active case.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga hindi pa bakunado na huwag munang lumabas ng bahay upang hindi na lumaganap pa ng virus.
“Now, ito ngayong ayaw magpabakuna, sinasabi ko sa inyo, huwag kayong lumabas ng bahay kasi ‘pag lumabas kayo ng bahay, sabihin ko sa mga pulis eh ibalik ka doon sa bahay mo. You will be escorted back to your house because you are a walking spreader,” sabi pa ng Pangulo.PNA