Ibinalik na sa moderate-risk ang klasipikasyon ng Pilipinas sa COVID-19, matapos na maobserbahan ang pagtaas ng mga naitatalang COVID-19 cases sa bansa nitong mga nakalipas na araw.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, matapos ang pagkakaroon ng slowdown ng mga kaso, naobserbahang muli sa bansa ang pagtaas ng mga kaso ng sakit nitong kalagitnaan ng Hulyo, sanhi upang itaas ang klasipikasyon nito sa moderate-risk.

Batay sa datos na iprinisinta ni Vergeire sa media, nabatid na ang two-week case growth rate ng bansa ay tumaas sa 1% mula Hulyo 11 hanggang 24 mula sa dating -10% mula Hunyo 27 hanggang July 10.

Tumaas rin umano ang national average daily attack rate (ADAR) sa 4.95 cases per 100,000 population sa nakalipas na dalawang linggo o mula Hulyo 11 hanggang 24, na mas mataas mula sa 1.88 noong Hunyo 27 hanggang Hulyo 10.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaang noong Hulyo 1, sinabi ng DOH na ang bansa ay nasa low risk classification na para sa COVID-19 case trend matapos na makapagtala ng negative growth rate sa mga kaso at mas mababang ADAR.

Samantala, mula naman sa dating 5,576 lamang noong nakaraang linggo o mula Hulyo 15 hanggang 21, ay naging 6,029 na ang average ng mga naitatalang bagong kaso ng impeksyon kada araw mula Hulyo 22 hanggang 28.

Sa kabila naman nito, sinabi ng DOH na ang healthcare utilization rates (HCUR) ng bansa ay nasa 48.96% at ang intensive care utilization rates (ICUR) ay nasa 58.64%, ay nananatiling nasa safe zone o low-risk classification.

Sa Luzon, naobserbahan ang upward COVID-19 trend sa Regions 1, 2, at 3 habang nakikitaan naman ng downtrend ang Regions 4B at 5 at nagkakaroon naman ng plateau sa Cordillera at Region 4A.

Sa Visayas, may “steep rise” ng mga bagong impeksiyon sa Region 7 habang nagkakaroon naman ng pagbaba ng mga kaso sa Regions 6 at 8.

Sa Mindanao, may upward trend sa Region 10 habang nagkakaroon ng plateau ng mga kaso sa Region 12.

Ang iba pa namang rehiyon sa Mindanao ay nagkakaroon nang pagbaba ng mga kaso.

Sa Metro Manila naman, may 11 lungsod ang patuloy na nakakapagtala ng positive two-week case growth rate.

Nabatid na ang mga lungsod ng Makati, Las Piñas, at Pasay ay klinasipika bilang high-risk areas dahil sa mataas na high ADAR o hospital o ICU utilization rates.

Ang Las Piñas ay nakapagtala ng pinakamataas na ICU utilization rate na nasa 93.10% hanggang noong Hulyo 28, na sinundan ng Makati na may 82.05% at Quezon City na may 63.64%.

Mary Ann Santiago