Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 5,735 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Huwebes, Hulyo 29 ng hapon.
Batay sa case bulletin no. 502 na inilabas ng DOH dakong alas-4:00 ng hapon, nabatidna dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 1,572,287 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang kabuuang bilang, 3.6% na lamang o 56,273 ang total active cases o nagpapagaling pa mula sa karamdaman, kabilang dito ang 93.5% na mild cases, 2.3% na severe, 1.61% na moderate cases, 1.4% na critical cases at 1.2% na asymptomatic.
Mayroon rin namang nadagdag na 4,069 bagong gumaling sa karamdaman kaya’t umaabot na ngayon sa 1,488,437 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.7% ng total cases.
Samantala, mayroon din namang 176 mga pasyente na namatay.
Sanhi nito, umaabot na ngayon sa 27,577 ang COVID-19 death toll sa Pilipinas o 1.75% ng total cases.
Ayon sa DOH, mayroon ring 114 duplicates na inalis nila mula sa total case count.Sa naturang bilang, 32 ang recoveries.
Mayroon ring 132 kaso na unang na-tagged bilang recoveries ngunit kalaunan ay natuklasang namatay na pala base sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago