Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng 97 bagong Delta variant cases ng COVID-19 sa Pilipinas.

Dahil dito, aabot na sa 216 ang kabuuang kaso ng sakit sa bansa.

Sa datos ng DOH, University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH) nitong Huwebes ng hapon, sinabi nitong bukod sa 97 bagong Delta (B.1.617.2) variant cases, nakapagtala rin sila ng 83 Alpha (B.1.1.7) variant cases, 127 Beta (B.1.351) variant cases, at 22 pang P.3 variant cases sa isinagawa nilang pinakahuling batch ng whole genome sequencing results.

Sa 97 bagong kaso ng Delta variant, 88 ang local cases, anim ang Returning Overseas Filipinos (ROF), at tatlo ang biniberipika pa kung local o ROF cases.

Politics

Disqualification case ng Bagong Henerasyon Partylist, ibinasura ng Comelec 1st division

Sa anim na ROFs, dalawa ang seafarers na mula sa MT Clyde and Barge Claudia, na kasalukuyang nakadaong sa Albay, habang apat ang crew members ng MV Vega na dumating mula sa Indonesia.

Anang DOH, 94 naman sa mga ito ang nakarekober na mula sa sakit habang tatlo ang sinawimpalad na bawian ng buhay.

Nakikipag-ugnayan na umano ang DOH sa mga kinauukulang local government units (LGUs) upang matukoy ang iba pang impormasyon, gaya ng exposure at vaccination status ng mga pasyente.

“The total number of Delta variant cases is now 216,” anang DOH.

Nakapagtala rin ang DOH ng 83 Alpha variant cases sa bansa, kabilang ang 58 na local cases at 25 na biniberipika pa kung local o ROF cases.

Gayunman, sa case line list ng DOH, 70 sa mga kaso ang nakarekober na habang 13 cases ang hindi pa batid ang kinahinatnan.

Sa kabuuan, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 1,858 total Alpha variant cases.

Mary Ann Santiago