Hindi ako nagulat nang marinig ko ang deretsahang pag-amin ng ilang naghihikahos nating kababayan na tatanggapin nila ang anumang panunuhol ng mga nanunuyong pulitiko na tatakbo sa eleksyon sa Mayo 2022 – matagal na raw nila itong ginagawa, at mas lalo pa nga na ‘di sila makatatanggi sa panahong ito na pinadapa sila ng pandemiyang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ngunit nakabibingi ang dagundong ng kanilang palihim na bulong -- na hinding-hindi rin nila iboboto ang mga kandidatong ito, dahil nasisiguro nilang magnanakaw lang ang mga ito kapag nanalo para makabawi sa ginastos sa pangangampanya. At ang isa sa mga nakaringgan ko ng ganitong saloobin ay katulad ko rin na senior citizen -- na ang trabaho ay mangalakal sa mga basurahan -- na aking nakasabay sa paglalakad sa gitna ng walang tigil na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Papunta ako sa bilihan ng pinipilahan dahil sa kakaibang sarap na lechong baka, sa loob ng aming subdivision sa Novaliches, Quezon City, nang mabagbag ako sa tanawing aking nakikita – ang paghihirap ni “Tatang” sa pagtutulak ng kanyang kariton na punung-puno ng kalakal na pilit niyang iniaahon sa papataas na kalsada. Kahit nakabalot pa sa kanyang patpating katawan ang makapal na jacket na maong, na napai-ibabawan naman ng kapoteng gawa sa makapal na supot na plastic, halata ang panginginig nito sa ginaw dulot ng malamig na dapyo ng hangin kasabay ng malalaking patak ng ulan.

‘Di ako nakatiis kaya’t nilapitan ko siya at tinulungan sa pagtutulak upang madaling makaakyat sa mataas na lugar ang kanyang kariton na ramdam ko ang kabigatan. Nang makaahon at malapit na kami sa bilihan ng lechong baka, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan, kaya’t kahit na may payong ako at balot si Tatang ng jacket at kapote – basa pa rin kaming pareho! Niyaya ko siyang sumilong muna sa tindahan para doon muna magpatila ng ulan, pero todo iling lang siya. Pero napapayag ko siya matapos kong yayain na mag-kape muna kami, sabay turo sa Coffee Vendo Machine na humahalimuyak ang katakam-takam ng aroma ng kapeng barako!

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nalaman ko na kaya pala ayaw niyang huminto sa pagtutulak ng kariton ay baka mapagsarahan siya ng junk shop na pagbebentahan niya ng mga naipong kalakal. May layong limang kilometro pa ito mula sa aming hinintuan, para mag-kape.

Umikot ang aming huntahan mula sa presyo ng kalakal papunta sa mga pulitikong pumupustura na sa paparating na halalan. Alam niyang malayo pa ang deadline para sa pagpaparehistro ng mga tatakbong kandidato, pero marami siyang ikinukuwentong mga lugar at barangay -- na kanyang nadaraanan habang nangangalakal -- na tadtad na ng mga pasimpleng campaign poster ng atat na atat tumakbo na mga pulitiko.

Ani Tatang: “Sabi nila babaha ng pera ngayong election campaign, simula raw sa Disyembre hanggang sa Mayo 2022 kasi ‘ung tulong para sa pandemiya ilalabas na rin…Sana nga mag-umpisa na para makatikim na kami ng aking mga kalugar ng konting ginhawa. Lahat ng pulitikong magbibigay tatanggapan namin. Mahirap tumanggi sa grasya – nakabubulag daw yun!”

Impit na ngiti ang ganti ko sa tinuran ni Tatang --- masakit sa dibdib na marinig mula mismo sa taong sinasangkalan ng mga ganid na pulitiko para makapagnakaw sa kaban ng bayan - pero wala akong masabi. Kita kasi sa hitsura niya na talagang mahirap na tumanggi sa grasyang ipinamumudmod ng mga kandidatong kumukuha ng simpatiya sa mga mahihirap nating kababayan, sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga boto.

Ilang minuto rin kaming nagkakuwentuhan ni Tatang bago humupa ang ulan, pero dama ko ang lungkot at panghihinayang niya dahil tiyak na raw na napagsaraduhan na siya ng junk shop, kaya ipagpapabukas na lamang niya ang pagbebenta sa kalakal. Himutok niya: “Mahirap talagang maging isang kahig isang tuka…pag walang kahig, walang matutuka!”

Ewan ko ba kung bakit ng mga oras na ‘yun ay nagpu-pusong mamon na naman ako. Pa-simpleng iniabot ko kay Tatang ‘yung 500 pisong papel na kinuha ko sa bulsa – na pambili ko sana ng lechong baka – sabay sabing: “Oh ‘Tang, ako ang unang pulitiko na susuyo sa boto mo ha, ‘wag mo akong kalilimutan sa 2022!”

Nagulat si Tatang, titig na titig sa perang ibinigay ko, sabay walang patid na pa-tenk yu: “Salamat, Salamat…malaking bagay na ito para sa amin ng mga apo ko!” Dagdag pa niya: “Alam ko biro mo lang na pulitiko ka kasi wala sa hitsura mo eh. Hindi ka naman amoy sinungaling at magnanakaw!”

Bago itulak ang kariton sa aming paghihiwalay, ito ang sinabi niya: “Hindi naman ako nag-iisa. Marami kaming taga-iskuwater na nag-iisip na ngayon. Sawa na kami sa hirap at pangako…pero tatanggap pa rin kami ng pera sa eleksyon, kasi kailangan namin. Kuwidaw, pagdating sa balota, ‘wag na silang umasa. Kasi siguradong wala ang pangalan nila sa aming isusulat!”

Ang tumimo sa aking dibdib na pahimakas niya: “Ayaw na naming ang mananalo ay magnanakaw naman sa kaban ng bayan para makabawi sa nagastos nila sa halalan. Gusto na rin naming makawala sa tanikala ng kahirapan kasabay nang pag-asenso ng ating bayan, para sa kinabukasan nang susunod na henerasyon ng ating mga kabataan!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa:[email protected]