Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na nagkaroon nga ng limang kaso ng Delta variant cases sa lungsod, may tatlong linggo na ang nakalilipas, ngunit pawang ligtas na ang mga ito sa ngayon, habang wala pa rin silang planong magpatupad ng lockdown.

Ayon kay Moreno, ang impormasyon hinggil sa Delta variant cases ng COVID-19 sa lungsod, ay ipinaabot lamang sa kanya sa isang pulong ng mga metro mayors at ng Metro Manila Development Authority (MMDA), gayundin ng mga health authorities kamakailan.

Ipinagpapasalamat naman ng alkalde na ang mga pasyente ay pawang ligtas na ngayon.

“Salamat sa Diyos at itong lima, as of today (July 24), mukhang ligtas na. Meron na lang kukumpirmahin but the content taken from them was confirmed by genome and sent kanina lang,” anang alkalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, tinukoy rin ni Moreno ang mga lugar kung saan natukoy ang mga Delta variant cases sa lungsod.

Aniya, may tig-iisang kaso ng Delta variant sa Sampaloc, Parola, Gagalangin (Tondo), Apacible sa Ermita at Taft Avenue.

Pinayuhan rin naman ni Moreno ang mga residente na maging mas maingat pa kung mula sila sa mga naturang lugar dahil nananatili pa rin ang panganib at palagi dapat na maging responsable ang lahat.

“Paalala sa limang lugar ‘yan ang bagong case. Ligtas sila, ‘yung iba positive pero asymptomatic at sa awa ng Diyos, wala pang napaulat na bumaba ng CT (cycle threshold) value,” anang alkalde.

Sinabi ni Moreno na ginawa ni Manila Health Department (MHD) head Dr. Poks Pangan ang nararapat at sa kabutihang-palad ay nagnegatibo naman ang mga kaanak ng mga ito mula sa karamdaman at ang mga nakasalamuha ng mga ito na nagpositibo ay gumaling na rin.

Ipinaliwanag rin naman ni Moreno ang kahalagahan ng CT value.Aniya,“Ibig sabihin, ang cycle threshold value pag below 20 kailangan ipadala sa genome. Kapag 20 up, regular SARS-COV2. Pero either way, pareho lang ng epekto na pwede kayo malagay sa bingit kung nakuha mo ay variant. They are all deadly dahil walang cure.”

Sinabi rin ni Moreno na ang Delta variant ay may dulot na mas matinding problema dahil mabilis itong kumalat at dahil dito ay malamang na mapuno ma naman ang mga ospital.

“They are both deadly. Mas delikado lang ang Delta dahil mas bilis makahawa at baka mabulunan muli mga ospital. Patuloy ang pagbaba sa Maynila pero dapat responsable pa rin di pa rin pwede umalagwa dahil sa isang kaso, maaring masira ang lahat,” giit ng alkalde.

Samantala, sinabi ni Moreno na naimpormahan na siya ni Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla angspecimen na nakuha mula sa pasyente ay may CT value na mababa sa 20, ibig sabihin ay ipapadala ito sa genome center para analisahin kung ito nga ay variant o hindi.

“‘Di na tayo magtuturo. Let’s just focus on the tasks of continuing to lower the possibility of infection; prepare the city’s capacity to withstand any surge in terms of facility, medicine, oxygen and all other things needed and continue to behave and learn to live responsibly, with COVID in our midst,” sabi pa ng alkalde.

Sa kaugnay na pangyayari, iginiit ni Moreno na wala siyang intensyong magsagawa ng lockdown dahil magreresulta ito sa kagutuman ng mga residente.

“Wala sa antenna ko ‘yan. Wasak na ang ekonomiya, magugutom kayo,” pagbibigay diin ng alkalde kasabay ng panawagan sa mga residente na maging responsable at magpabakuna na agad.

Tiwala rin ang alkalde na nauuna na ang lungsod pagdating sa kakayahan at kapasidad laban sa impeksyon.

Mary Ann Santiago