Matapos unang imbitahin si Bise Presidente Leni Robredo na dumalo sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte via Zoom, muling nagpadala ang Malacañang ng imbitasyon para sa kanyang pisikal na pagdalo sa Batasan Pambansa sa Lunes, Hulyo 26.
Gayunpaman, sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez nitong Linggo, Hulyo 25, na hindi makakadalo ang bise presidente dahil sa COVID-19 health protocols.
“Kasabay nung pangalawang imbitasyon merong listahan ng mga protocols na kailangan sundin. At isa dito kung ikaw ay mag-a-attend personally, kailangan nakapag-second dose ka na ng bakuna,” saad ni Gutierrez sa weekly radio show ni Robredo.
“Ang problema si VP Leni, August 11 pa ang schedule niya nung kanyang second dose,” paglilinaw ni Gutierrez.
Iyon ang dahilan kung bakit hindi makakapunta si Robredo dahil maaari niyang mailagay sa peligro ang kalusugan ng mga tao roon pati na rin ang Pangulo.
Pagdidiin pa niya, matapos lumabas ang balitang inimbitahan lamang si Robredo na dumalo sa pamamagitan ng Zoom, umani ito ng iba’t ibang reaksyon.
“Pagkatapos ng ilang araw, kinalarify ay hindi daw. Meron daw bagong listahan na inaprubahan ang IATF at pwede na daw siya magpunta na personal dun sa Batasan,”
“Si VP naman kahit kailan hindi nag-miss ng SONA. Tinatanaw niya ito bilang bahagi ng kanyang tungkulin bilang pangalawang pinakamataas na opisyal sa ating bansa. In fact, kung umabot lang ‘yung kanyang second dose, pupunta si VP Leni,” dagdag pa niya.
Hindi nakadalo ang bise presidente sa kanyang radio show nitong Linggo dahil siya ay nasa Camarines Sur para i-turn over ang 1.2 kilometro na farm-to-market road at farm equipment sa May Ogob Agrarian Reform Cooperative, na kung saan ito ang katuwang ng Office of the Vice President (OVP) para sa Omasenso sa Kabuhayan Program sa ilalim ng Angat buhay.
Nag-post din siya ng mga litrato ng ribbon-cutting ceremony maging ang mga inihandang pagkain. Aniya, iuuwi na lamang niya ang mga pagkain para hindi na niya kailangan tanggalin ang face mask.
Raymund Antonio