Sa kabila nang mahigpit na pagpapairal ng “no permit, no rally policy,” nasa 3,000 pulis ang itatalaga ng Manila Police District (MPD) sa mga “protest zones” sa lungsod sa Lunes, Hulyo 26, upang magbantay at magbigay ng seguridad, kasabay nang pagdaraos ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabatid na ang naturang MPD deployment ay bahagi ng 15,000 personnel na itatalaga sa SONA 2021, alinsunod na rin sa kautusan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief PMGen. Vicente Danao Jr., na siya ring mangunguna sa security preparations and deployment plans para sa naturang aktibidad.
Ayon kay MPD Public Information Officer (PIO) PCapt. Philipp Jose Ines, ipinag-utos na ni MPD Director PBGen Leo Francisco ang pagpapakalat ng mga unipormadong pulis sa Chino Roces bridge (Mendiola), Liwasang Bonifacio, US Embassy at sa lugar Supreme Court (SC).
Nabatid na isinailalim rin ni Francisco ang MPD sa alert status kahit wala namang banta sanational security.
Hinikayat rin niya ang mga raliyista na huwag na lamang lumabas ng bahay dahil sa bantang dulot ng Delta variant ng COVID-19.
Aniya, maaari naman silang maglabas ng kanilang mga saloobin sa virtual na paraan.
Mahigpit din ang kautusan ni Franciscosa kanyang mga tauhan na obserbahan ang maximum tolerance, sakaling mayroon pa ring mga raliyista na magpumilit na magsagawa ng kilos-protesta.
Sinegundahan din ni Francisco ang panawagan ni Danao na sa kabila na mayroon kalayaan sa pagpapahayag, mahalaga rin na bigyan ng konsiderasyon ang batas at regulasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
“Because it can be a cause of wide spreaders lalo na ngayon with DELTA variant, na very dangerous. Kaya kami po ay nakikiusap sa lahat na kung wala naman kayong ibang gagawin, siguro po magstay at home na lang.
Lalong lalo na ngayon, baka magkahawaan pa tayo lalo niyan,” ani Danao.
Tiniyak din ng NCRPO chief na mayroon silang mga inihandang contingency plans sakaling magkaroon ng anumang insidente, gayunman ay nagkaroon na ng mga pag-uusap sa pagitan ng iba't-ibangcommunity leaders, stakeholders at civil society leaders.
“We are also deploying the use of body-worn cameras para po mamonitor natin yung lahat ng movement lalong lalo na yung sa security aspect. Mas makikita natin yung movement ng mga tao at mas matututukan natin yung placement ng kanilang deployment. This is to ensure na hindi tayo malulusutan ng any suspicious person na maaaring gumawa ng kalokohan," dagdag pa ni Danao.
Mary Ann Santiago