Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na ang clusters ng COVID-19 cases na infected ng mas nakahahawang Delta variant ay nakita nila sa Northern Mindanao at lalawigan ng Antique.

“Nakita na po natin ‘yung cluster of infection sa Northern Mindanao, nakita po natin na ito ay family cluster. Nakita rin po natin na merong cluster of infection dito sa Antique,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.

Sinabi ni Vergeire na ang family cluster ay nagmula sa isang indibidwal na galing sa trabaho at naihawa ang kanyang mga kasama sa bahay.

Ang isa pang cluster aniya ay kinasasangkutan ng isang returning overseas Filipino (ROF) na umuwi sa Pilipinas nang mamatay ang kanyang nanay. May isang indibidwal aniya na dumalo sa lamay ang nahawa ng virus variant at siyang nakapanghawa ng iba pang tao.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ani Vergeire, ang iba pang Delta cases ay may kaugnayan sa ROFs.

Anang health official, sa ngayon ay inaalam na ng DOH kung paanong kumalat ang Delta variant.

Ipinaliwanag niya na ang lahat ng incoming travelers ay nire-require namang sumailalim sa quarantine at COVID-19 testing kahit ano pa ang vaccination status nito.

Ilan aniya sa pinag-aaralan niya ay kung nagkaroon ba ng breach o paglabag sa mga protocols o di kaya ay walang assessment na nangyari bago pinayagang makalabas mula sa quarantine ang pasyente.

“Maybe there were breaches [in protocol], maybe there were no assessments when they were discharged. These are the things that we are assuming right now,” aniya pa.

“Patuloy nating pag-aaralan lahat ito… so that we [would] be able to further improve ‘yung strategies na pinapatupad natin so that there won't be breaches at ma-manage po natin at ma-control ang further spread of this infection,” dagdag pa niya.

Mary Ann Santiago