Tumaas pang muli at umabot na sa 1.15 ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa OCTA Research Group, ito ay indikasyon nang pagkakaroon ng sustained transmission ng COVID-19 sa bansa.
Ipinaliwanag ni OCTA Research Fellow Prof. Guido David na ang reproduction number ang siyang nagsasabi kung gaano kabilis ang hawaan ng virus sa isang lugar.
“Kapag more than one, ibig sabihin mas mabilis na siya... bumibilis siya. 'Pag less than one, it means bumabagal siya,” ayon pa kay David, sa panayam sa telebisyon.
Dagdag pa ni David, inaasahan nilang ang bilang ng mga maitatalang bagong kaso ng COVID-19 cases kada araw ay maaaring umabot ng 10,000 sa mga susunod na linggo at ang pagpasok ng Delta variant cases sa bansa ay maikokonsiderang isa sa mga factor nito.
“Yesterday's number na 6,000 mataas iyan, we are expecting na more than 8,000. It means na tumataas na ang cases, we might see 10,000 by next week or next, next week,” ayon pa kay David.
Nabatid na ang reproduction number na nasa pagitan ng 0.9 at 1.1 ay ikinukonsiderang moderate risk habang ang numerong mas mataas sa 1.1 ay high risk naman.
“Ibig sabihin nasa high risk na 'yon, ibig sabihin nasa high risk na ang NCR sa reproduction number,” aniya pa.
Ipinaliwanag rin ni David na kung may 10 katao na COVID-19 positive ay inaasahang nasa 11 katao ang maaaring mahawahan nila.
Kaugnay nito, naniniwala naman si David na ang surge ng mga bagong kaso ay posibleng epekto na ng Delta variant .
“It's possible, binabantayan nga namin yung trend sa Delta variant. Nakita natin sa ibang bansa napakabilis niya, it's 50% more infectious compared to Alpha and Beta variant,” aniya pa.
Maging ang ibang lugar din naman aniya sa bansa ay nakitaan na nang pagtaas ng COVID-19 reproduction number at posibleng Delta variant rin ang sanhi nito, bagamat hindi pa aniya ito kumpirmado sa ngayon dahil genome sequencing ang kukumpirma nito.
“Hindi pa natin mako-confirm iyon. Sequencing ang magko-confirm niyan. We are right now making assumptions. Nagkaka-surge na tayo,” aniya pa.
Sinabi rin ni David na wala pang dahilan para maalarma sa ngayon ngunit ito aniya ay major concern dahil isa sa mga lungsod sa Metro Manila ang mayroon nang reproduction number na nasa 1.35, na ikinukonsidera aniyang “almost very high.”
Mary Ann Santiago