Plano ni Manila Mayor Isko Moreno na magtatag ng drive-thru vaccination system sa lungsod upang ma-accommodate ang mga motorista at public utility vehicle (PUV) drivers na mas magiging madali kaysa pumunta sa mga itinakdang vaccination sites.

Nabatid na ipinag-utos na ng alkalde na linisin na ang lahat ng plano para maipatupad na ang paglalagay ng drive-thru vaccination site sa lalong madaling panahon at kapag available na uli ang first dose allotment ng pamahalaang lungsod.

Samantala, bilang paghahanda naman sa posibleng paglobo ng mga kaso ng Delta variant, sinabi ng alkalde na napagdesisyunan nila ni Vice Mayor Honey Lacuna na bumili ng high-flow oxygen upang maiwasan ang intubation sa mga pasyenteng mauuwi sa severe o critical cases ng COVID-19.

Sa ngayon, aniya, ay naka-order na sila ng 750 tangke, na ang bawat isa ay naglalaman ng 50 litro ng oxygen, maliban pa sa regular orders para sa COVID at non-COVID na mga pasyente sa six city-run hospitals.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“The additional order of tanks is equivalent to 37,500 liters of oxygen. We are using the incidents taking place in other parts of the world. We are ready pero sana di magamit,” ayon kay Moreno.

Samantala, inianunsyo rin ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ay bumili ng 5,521 Remdesivir at 1,140 Tocilizumab, na parehong mahal. Ang nasabing mga gamot ay ginagamit sa mga pasyenteng may severe o critical case ng COVID-19.

Sa kabilang dako, iniulat naman ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’’ Pangan sa alkalde na ang kabuuang bilang ng bakuna na naiturok na sa mga residente ng Maynila hanggang alas-6:00 ng gabi noong Hulyo 19 ay 1,019,618 na.

Ayon kay Pangan, ang kabuuang bilang ng naturukan ng first dose ay 663, 649, habang ang naturukan naman ng kanilang second dose ay umabot na sa 355,969.

Inaasahan namang darami pa ang naturang bilang dahil sa pagpapatuloy ng vaccination para sa first at second dose habang sinusulat ang balitang ito.

Kaugnay nito, umapela naman ang alkalde sa lahat ng mga residente na maging disiplinado, kaugnay ng inulat na insidenteng nangyari sa San Andres Complex kung saan ang ilang mga hindi nakasama sa cut-off ay nagpumilit pa ring pumasok sa vaccination center.

Ayon sa alkalde, marami namang vaccination sites kung saan makakapunta ang mga residente upang makapagpabakuna.

Sa ngayon ay mayroong 18 paaralan at apat na malls na ginagamit ang lungsod upang mapabilis ang pagtuturok ng bakuna sa mga residente at maprotektahan sila laban sa COVID-19.

Mary Ann Santiago