Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na walo sa mga pasyente ng Delta variant na una nang nakarekober mula sa karamdaman, ang muling nagpositibo sa sakit.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga pasyente ay nananatili namang asymptomatic sa ngayon.

Nabatid na sa naturang walong pasyente, apat ang natukoy sa Cagayan de Oro, isa sa Maynila at isa sa Misamis Oriental, habang dalawa pa ang returning overseas Filipinos (ROFs).

Sinabi ni Vergeire na bagamat mababa na ang viral load ng mga ito at halos hindi na infectious o hindi na nakakahawa pa ay kinakailangan pa rin nilang i-quarantine na muli at masusing i-monitor dahil nagpositibo pa rin ang kanilang RT-PCR tests.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

“When we look closely at these cases, almost all of them have high CT (cycle threshold) value, indicating a low viral load and therefore most likely they are no longer infectious,” ani Vergeire sa virtual briefing.“But their RT-PCR was positive so we needed to quarantine them again or isolate them again and we will closely monitor them.”

Aniya, may 91 contacts ng 16 bagong natukoy na Delta cases na ang kanilang natukoy hanggang nitong Lunes.

Walo sa mga ito ang natukoy sa National Capital Region, 46 ang sa mga returning overseas Filipinos, 10 sa Region 6, at 27 sa Region 10.

Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin, aniya, ang pagsasagawa nila ng contact tracing.

Samantala, kinumpirma rin ni Vergeire na dalawa sa tatlong pasyente na namatay dahil sa Delta variant ang hindi pa bakunado.Kabilang dito ang 78-taong gulang na babae mula sa Antique at 58-taong gulang na taga-Maynila.

Bineberipika pa naman ng DOH ang vaccination status ng ikatlong pasyenteng namatay sa Delta variant na isang 63-taong gulang na lalaki na miyembro ng MV Athens Bridge.

Sa ngayon may 35 kumpirmadong kaso ng Delta variant sa bansa at sa naturang bilang, 11 ang local cases habang tatlo ang kumpirmadong binawian ng buhay.

Mary Ann Santiago