Patuloy pa ring 'di sumisipot sa programang “It's Showtime” si Anne Curtis kahit pa ilang buwan na siyang nakauwi ng bansa pagkatapos nitong magsilang sa kanilang first baby Dahlia sa Australia, mahigit isang taon na ang nakakaraan.
Kaya lang kung dedma pa rin si Anne sa pagbabalik-host, hindi ito puwede sa kanyang bestfriend at co-host sa Kapamilya noontime program na si Vice Ganda nitong imbitahan nito ang actress-host sa kanyang “Gandemic Vice Ganda: The VG-Tal Concert” nitong weekend lang.
Sa concert ni Vice nasorpresa ang madlang pipol nang mag-appear si Anne. Dahil matagal nang hindi nagkasama, hindi naitago ng magkaibigang sina Vice at Anne ang kanilang emosyon sa kanilang unang pagtatagpo matapos ang lampas isang taon nilang 'di pagkikita.
Kung 'di man nasuyo ni Vice na bumalik muna sa “It's Showtime” um-oo naman agad ito sa concert ng kaibigan. Paliwanag ni Vice, mismong concert na niya pinapunta si Anne dahil ayaw niyang makompromiso ang kalusugan ng kanyang pamilya lalo pa’t may sanggol ito sa kanilang bahay.
“Hindi kami nagkita talaga at all. Hindi kami nagkita sa rehearsal. Ito lang ‘yung first time. Gusto ko dito lang tayo magkikita at saka ayokong lumabas ka. Siyempre, may bagets. Sabi ko, one time big time lang lalabas si Anne. Huwag nang palabasin,” paliwanag ni Vice.
Sa kanilang duet, inawit nila ang “Bubbly,” “Stickwitu,” “Officially Missing You,” “Umbrella,” “Irreplaceable,” and “Call Me Maybe.”
“Kanina naiiyak na ako. Pero sabi ko hindi. I really miss you so much,” saad pa ni Vice.
Sagot naman ni Anne, tanging si Vice lang ang makakapagpalabas sa kanya sa kanilang bahay.
Masaya naman si Vice na pumayag si Anne sa kanyang concert.
“Hindi kasi siya lumalabas kasi, siyempre, may baby kaya nga isang tawag ko lang sa kanya, nag-yes naman siya. Pero suntok sa buwan iyon.”
“But I would understand if you will say no. Siyempre, nanay, hindi naman rampa-rampa lang ito.
“Alam mo ang saya ko nag-guest ka. Pero bukod doon, ang pinakamasayang part, nakita kita uli. ‘Yung mga kinanta natin, puro para sa iyo talaga iyon. I am officially missing you,” pag-amin pa ng “It's Showtime” host.
Sa pabirong sagot sinabi ni Anne ang dahilan kung bakit siya naiyak onstage.
“Ang ganda ng mga pinili mong songs, pero kaya rin ako naiiyak kasi ang hirap nilang kantahin,” natatawang pahayag pa ni Anne.
Ador V. Saluta