Hindi na naman binigyang-pansin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bise Presidente Leni Robredo, dahil hindi ito physically invited na dumalo sa huling State of the Nation Address (SONA) ng punong ehekutibo sa Batasang Pambansa sa Lunes, Hulyo 26.

Gayunman, imbitado naman si Robredo na dumalo ng SONA sa pamamagitan lamang ng Zoom.

“VP Leni received the invitation to attend the SONA last Friday. Similar to the previous year, she was not asked to be physically present, but to join via Zoom. She will therefore be attending remotely,” ayon sa kanyang tagapagsalita na si Barry Gutierrez, nitong Lunes, Hulyo 19.

Inilabas ni Gutierrez ang pahayag sa gitna ng naunang ulat na hinihintay na lamang ni House of Representative Secretary-General Mark Llandro Mendoza ang abisong kampo ni Robredo kung dadalo ito dahil naimbitahan umano itong pisikal na dumalo sa SONA.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Noong 2020, hindi rin inimbitahan ng Malacañang si Robredo na pisikal na dumalo sa SONA. Dumalo lamang ito virtually.

Hindi katulad noong 2020 na mayroon lamang 50 katao na dumalo, ngayong taon ay mayroon itong 350 na mga panauhin.

Posible ang pagkakaroon ng maraming panauhin dahil sila ay fully vaccinated, gayunman, kailangan pa rin nila magpa-swab testing. Mahigpit din naipaiiralang physical distancing at iba pang safety protocols laban sa coronavirus disease 2019.

Kabilang sa listahan na mga panauhin ay miyembro ng pamilya, mambabatas, miyembro ng Gabinete, mga kaalyado sa politika at mga dignitaries mula sa diplomatic corps. Kabilang sa inaasahang dadalo ay ang dating Pangulo at ngayon ay Presidential Adviser ng programa at proyekto ng Clark na si Gloria Macapagal-Arroyo at dating House Speaker na sina Pantaleon Alvarez at Alan Peter Cayetano.

Inaasahan na tatalakayin ni Duterte ang mga proyekto ng administrasyon sa ilalim ng Build, Build, Build program at maging ang legislative accomplishments ng kanyang termino.

Raymund Antonio