Libu-libong pagpatay na nangyari sa kasalukuyang administrasyon ang "primary legacy" ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang reaksyon ni dating Senator Antonio Trillanes sa gitna ng paghahanda ng administrasyon sa huling State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa susunod na linggo.

Sa kanyang Facebook post, inihayag ni Trillanes na dapat ilista ng mga mamamahayag ang mga pagpatay bilang isa sa mga “accomplishments” ng Duterte administration.

“In listing down Duterte’s accomplishments, dapat isama palagi ng media ang libu-libong pinapatay niya, kasi pangunahin ‘yun sa legacy n'ya,” aniya.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Kahit ilang tulay pa ang ipagawa niya, hinding-hindi kayang matabunan ang mga kasamaang ginawa niya sa kapwa Pilipino,” dagdag pa nito.

Magaganap ang huling SONA ng Pangulo sa Lunes, Hulyo 26, at inaasahan na pag-uusapan ang tungkol sa katuparan ng kanyang mga pangako sa kampanya, pati na rin ang ibang pang kanyang nagawa sa nagdaang limang taon.

Gayunman, tinutukoy ni Trillanes, ang mga naiulat na libu-libong napatay sa ngalan ng kanyang bloody war on drugs, isang pangako niya sa kampanya na nagdala kay Duterte mula Davao City hanggang sa Malacañang.

Ayon sa International Criminal Court (ICC), nakita sa imbestigasyon ang “reasonable basis” na pinaniniwalaang mayroong krimen na pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng gobyerno.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi ito makikipagtulungan sa imbestigasyon dahil walang juridiction ang ICC sa mga domestic cases, at mayroon nang nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga pagpatay.

Raymund Antonio