Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) na tatlong pasyente na ng Delta variant ang pumanaw.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naberipika nilang namatay na rin dahil sa naturang variant ang isa pang pasyente na mula sa Antique, na unang iniulat na nakarekober na.

Aniya, ang pasyente ay isang 78-anyos na babae na mula Baybay, Antique, at namatay noong Mayo 30.

Hindi aniya nabakunahan ang pasyente at wala ring travel history.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang siya sa 11 lokal na kaso ng Delta variant na unang iniulat ng DOH noong nakaraang linggo.

Mayroon umano siyang partner na nakarekober naman mula sa karamdaman.

Una nang kinumpirma ng DOH na may dalawa pang Delta variant patients ang namatay sa sakit.

Kabilang dito, ang isang 63-taong gulang na lalaking seafarer na mula sa MV Athens na namatay noong Mayo 19 at isang 58-taong gulang na babae mula sa Pandacan, Maynila na namatay naman noong Hunyo 28.

Matatandaang una nang iniulat ng DOH na may 35 kaso na ng Delta variant sa bansa matapos na madagdagan pa ng 16 bagong kaso.

Ani Vergeire, nagsasagawa na sila ng contact tracing at mas masusi pang pag-aaral upang matukoy kung paano nagkaroon ng Delta variant ng COVID-19 ang naturang mga local cases.

Mary Ann Santiago