Hindi maaaring si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang magpasya kung tatakbo o hindi ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Inihayag ito ng isang mataas na pinuno ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), isang regional party na itinatag ni Inday Sara. Ayon kay Anthony del Rosario, secretary general ng HNP, ang pagtakbo ng kanilang lider ay isang "independent decision" at hindi puwedeng diktahan o impluwensiyahan ng kanyang ama.

Sinabi ni del Rosario na may iba pang mga bagay na ikinukunsidera si Sara bago magpasiyang kumandidato sa pagka-pangulo sa 2022. Siya ang nangunguna sa panguluhan batay sa survey results. Kasunod si Manila Mayor Isko "Yorme" Moreno.

Sa isang English broadsheet noong Hulyo 16, ganito ang nakalagay: "It's Hers Alone. Rody can't decide for Sara." Atubili sa pagtakbo ang alkalde ng Davao City sa kabila ng maraming grupo at partido-pulitikal ang humihikayat na maging presidential bet ng HNP. Handa silang suportahan siya.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon kay del Rosario, tanggap ni Inday Sara ang wisdom at suhestiyon ng kanyang ama na huwag tumakbo dahil napakabigat ng responsibilidad ng posisyon, at naaawa siya sa kanyang anak na tiyak na babatikusin araw-araw ng mga kritiko. Sa dakong huli siya pa rin ang magpapasiya kung tatakbo o hindi.

Bagamat walang hadlang para tumakbo si PRRD sa vice presidency, wala ring makapipigil sa kanya para tumakbo bilang independent--- o kahit walang partido. Parang ayaw ni Inday Sara na maka-partner ang ama upang mabuo ang Duterte-Duterte tandem. Tiwala si presidential spokesman Harry Roque na kapag kumandidato ang Pangulo sa pagka-pangalawang pangulo sa ilalim ng alin mang partido o kahit walang partido, siya ay mananalo.

Si Mano Digong ang chairman ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) samantalang si Sen. Manny Pacquiao ang acting president ng partido. Si Energy Sec. Alfonso Cusi ang vice chairman samantalang si Sen. Koko Pimentel ang vice president ng PDP-Laban Pacquiao faction.

Samakatwid, dalawa ng paksiyon ng PDP-Laban: Ang Pacquiao group at ang Cusi group. Makiling si PRRD sa Cusi faction. Galit siya kay Pacquiao dahil sa pagbira ng senador sa kanyang administrasyon na tatlong beses daw na corrupt kumpara sa nakaraang mga administrasyon.

Si Pimentel na anak ng nagtatag ng PDP-Laban, ay inaangkin ngayon na sila ang tunay na miyembro ng partido. Sa puntong ito, aminado ang Pangulo na ang PDP-Laban ay talagang sa mga Pimentel.

Abangan natin ang bakbakan sa loob PDP-Laban. Hintayin nating bumalik si Pacman mula sa Las Vegas. Sana ay magwagi siya sa basagan ng mukha kay US boxing champion Errol Spence Jr.

Bert de Guzman