LA TRINIDAD, Benguet – Pinaghahandaan ngayon ng provincial government ang muling pagbubukas ng mga tourism destination upang maibangon ang ekonomiya sa larangan ng turismo sa lalawigan.
“Kilala ang Benguet bilang Agriculture province at alam n'yo naman na 80 porsiyento ng vegetables sa iba’t ibang lugar sa bansa ay galing dito, kaya dito tayo naka-sentro at pangalawa lamang itong turismo, dahil ang iba nating mga farmer ay ginawang agri-tourism ang kanilang lugar para sa karagdgang kita, na aminado naman ako na malaking tulong para kilalanin din ang ating probinsya sa larangan ng turismo,” pahayag ni Governor Melchor Diclas.
Paliwanag nito, hinihintay na lamang nila ang go-signal ni Department of Tourism Secretary Bernadette Puyat upang payagan ang mga outdoor tourism activities sa Benguet.
Aniya, kamakailan ay kasama niya si Puyat na bumisita sa Atok para sa validation nito sa dalawang farm na ginawang agri-tourism sites, ang Sakura Farm at ang Northern Blossom Flower Farm.
“So now, it is still up to the municipalities if they are ready or not to open their tourism site in coordination with National Requirements. May mga ibang open naman, pero sa local residents lamang,” pahayag pa nito.
Zaldy Comanda