Viral ngayon sa social media ang TikToker na si Hazel Grace Edep o mas kilala sa TikTok bilang “queenluvs14” dahil sa pagpapakulong nito sa ‘di umanong nagnakaw ng kanyang cellphone.
Ayon sa Facebook post ni Jhon Michael Cuizon, kasama ni Hazel sa nangyaring insidente, nagpunta sila ni Hazel noong Hulyo 14, 2021 sa Divisoria sa Maynila at napansing nawala ang cellphone nito.
Tinawagan nila ang cellphone ni Hazel at sumagot ang isang lalaki, sinabi nina Cuizon na P7,000 ang pabuya ngunit P50,000 ang ‘di umanong hinihingi ng lalaki at sinabing pupuntahan sa bahay si Hazel para kunin ang pera at baka magahasa pa raw.
Kaya nama’y nagpunta sila sa CIDG para humingi ng tulong. Tinulungan silang ma-entrap ang lalaki nang makipagkita sila rito para maibigay ang pabuya at makuha ang cellphone.
Narito ang kumakalat na litrato ng text message ni Hazel Grace Edep para sa nakakuha ng kanyang cellphone:
Hawak na ng CIDG NCR si Angelito Amor Martin, ang lalaking ‘di umanong nagnakaw ng cellphone ni Hazel na taga Malabon City, at kinasuhan ng “robbery extortion.”
Kaugnay dito, nagpost naman ang kapatid ni Angelito na si Amor Amor Martin, ang ngalan sa Facebook, na nagsasabing isang hamak lamang na tricycle driver ang kanyang kapatid at sila ay ulila na sa mga magulang. Sinabi rin niya na ilang linggo pa lamang ang nakalilipas nang makalabas ito sa ospital dahil sa mild stroke, kaya ito ang naging dahilan kung bakit hindi pa nakakapasada ang kanyang kapatid.
Aniya, noong Hulyo 14, kasama ni Angelito ang dalawang kaibigan nito dahil nagpasamang bumili ng platinum karaoke sa Raon. Ang kwento sa kanya ng mga kaibigan nito, nakapulot sila cellphone sa taxi.
Kalaunan, sinamahan si Angelito ng kanyang asawa para makipagkita kay Hazel upang maibalik ang cellphone at makuha ang sinasabing pabuya, ngunit hindi alam ni Angelito na nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG para hulihin siya.
Dagdag ni Amor, naisip niya na kaya nais din kunin ng kanyang kapatid ang pabuya para mayroong na itong pambili ng gamot.
Patuloy namang humihingi ng tulong ang pamilya ni Angelito para mapalaya ang kanilang kapatid.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Hazel Grace Edep at ito ay nagprivate ng kanyang TikTok account.