Itinakda na ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng remedial, advancement, at enrichment classes para sa Summer 2021 simula sa Hulyo 19, 2021 hanggang Agosto 21, 2021.
Kaugnay nito, upang palakasin ang pag-unlad ng pag-aaral sa gitna ng pandemya, naglabas na rin ang DepEd ng mga patnubay sa mga paaralan at schools division offices (SDO) para sa pagsasagawa ng naturang remedial at advancement classes.
Batay sa memorandum na ipinadala sa mga opisyal at puno ng paaralan, pinaalalahanan ng Kagawaran ang mga SDO na alalayan ang mga paaralan sa pagtukoy ng nararapat na learning modality para sa mga remedial at advancement classes na nababagay sa sitwasyong pangkalusugan sa kanilang komunidad.
“Remedial and advancement classes must be completed within a six-week period that may include Saturdays. Schools may also opt to shorten the conduct of remedial and advancement classes when the essential learning competencies have already been attained,” ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones.
Upang masiguro naman ang proteksyon ng mga mag-aaral, guro, at stakeholders, inoobliga ng DepEd na gumamit ng mga distance learning modalities na naaayon sa konteksto ng mag-aaral.
Binigyang-diin pa ng DepEd na hindi pa rin nila pinapayagan ang pagsasagawa ng face-to-face classes.
Kaugnay nito, modular learning sa print o digital format ang siyang isasagawa gamit ang Self-Learning Modules (SLMs) o Alternative Delivery Mode (ADM) na self-instructional modules sa kakayahan sa mga paksa kung saan hindi pumasa ang mag-aaral.
“Teachers may conduct advance or remedial classes remotely with the help of the resources stored in the DepEd Commons and DepEd Learning Resources Management and Development System (LRMDS). This is crucial to help our learners cope up and develop their skills according to Most Essential Learning Competencies (MELC) in their grade level,” ayon naman kay DepEd Undersecretary forCurriculum and Instruction Diosdado San Antonio.
Bilang mandato, ang isang mag-aaral na nakatanggap ng grado na mas mababa sa 75 sa anumang paksa ay kinakailangang bigyan ng interbensyon sa pamamagitan ng remediation at dapat makapasa sa nasabing mga remedyal na klase para makatungtong sa susunod na grade level.
Kahalili nito, ang mga paaralan ay maaaring i-require ang mga mag-aaral na dumalo ng mga make-up classes sa panahon ng SY 2021-2022.
Samantala, ang mga Senior High Schools (SHS) ay maaaring magbigay ng mga advancement classes sa mga SHS na mag-aaral na nais gawin ang kanilang work immersion bago ang SY 2021-2022.
Kahalili nito, ang mga SHS na mag-aaral ay maaaring kumuha ng mga advance subjects bago ang SY 2021-2022 para mapagtuunan nila ang work immersion sa susunod na semester.
Pinaalalahanan naman ng DepEd ang mga guro na gamitin ang “Interim Policy Guidelines for Assessment and Grading in Light of the Basic Education Learning Continuity Plan” para sa pag-compute ng mga huling grado, kasama ang paggamit ng mga alternative tools at mga stratehiya para sa pagsusuri at pagsuporta sa pag-aaral para sa SY 2020-2021.
Inatasan na rin ng DepEd ang mga paaralan na nais magbigay ng remedial o advancement classes sa summer na magsumite ng letter of request at agad na magdesisyon sa mga tiyak na detalye ng mga klasena napapailalim sa pag-apruba ng kani-kanilang SDO.
Mary Ann Santiago