Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2021-2022 sa Setyembre 13, 2021.
“Ipinababatid ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Setyembre 13, 2021 bilang unang araw ng Taong Panuruan 2021-2022 sa mga pampublikong paaralan, mula sa mga inirekomendang petsa ni Kalihim ng DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones,” anang DepEd, sa isang opisyal na pahayag.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ng DepEd ang Pangulo dahil sa buong suporta nito sa paghahatid nila ng de kalidad na edukasyon sa darating na school year, kung saan ipaiiral pa rin ang blended learning, bunsod na rin ng nanatili pa ring banta ng COVID-19 pandemic.
Tiniyak rin ng DepEd na sa lalong madaling panahon ay ilalabas nila school calendar para sa School Year 2021-2022.
“Umaasa kami sa patuloy na pakikiisa at suporta ng aming stakeholders habang tayo ay naghahanda sa panibagong mga hamon ngunit napakahalagang hakbangin upang turuan ang ating mga kabataan sa gitna ng pangdaigdigang krisis sa kalusugan,” anito pa.
Para naman sa mga pribadong paaralan at mga non-DepEd public schools na hindi sasabay sa general school opening, sinabi ng DepEd na maaari na silang magsimula ng kanilang klase.
Kinakailangan lamang umano nilang magsumite ng mga kinakailangang dokumento sa Regional Director na siyang requirement sa ilalim ng DepEd Order No. 13, s. 2020 at DepEd Order No. 17, s. 2020, para sa readiness assessment.
Mahigpit rin ang paalala ng DepEd sa mga ito na hindi pa rin sila pinapayagang magdaos ng face-to-face classes at dapat na istriktong magpatupad lamang ng distance learning modalities.
Mary Ann Santiago