Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng kauna-unahang mga lokal na kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isinagawa nilang pinakahuling genome sequencing run ay nakatukoy pa sila ng 16 bagong Delta variant cases, sanhi upang umabot na ang kabuuang mga kaso nito sa 35.

Sa naturang bagong bilang, 11 ang lokal na Delta variant cases at lima naman ang returning overseas Filipinos (ROFs).

Sinabi ni Vergeire na sa 11 local cases, dalawa ang natukoy sa Metro Manila at isa sa mga ito ang namatay habang isinusugod sa pagamutan noong Hunyo 28 samantalang ang isa pa aniya ay nakarekober na mula sa COVID-19 noong Hunyo 23.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

May anim na Delta variant cases rin na natukoy sa Region 10 at ang lahat ng mga ito ay nakarekober na.

Ang isang lokal na kaso ng sakit ay natukoy sa Metro Manila ngunit may address naman sa Region 3. Ang pasyente ay nakarekober na rin matapos na dapuan ng karamdaman noong Hunyo 27.

“All these cases have no known connection to each other,” ani Vergeire.

Ang dalawa pang lokal na kaso ay natukoy naman aniya sa Region 6 at nakarekober na rin matapos na magkasakit noong Mayo 27.

Samantala, sa limang ROFs naman, isa ang dumating sa bansa mula sa United Kingdom noong Abril 26 at na-tagged na bilang recovered matapos ang 14-day quarantine.

Dalawa pa sa kanila ang dumating mula sa Qatar noong Hunyo 15 at gumaling na rin mula sa karamdaman.

Bineberipika pa umano ng DOH ang arrival date at quarantine status ng dalawa pang ROF cases. 

Matatandaang ang Delta variant ng COVID-19, na unang na-detect sa India noong Disyembre 2020, ay mas nakakahawa kumpara sa orihinal na COVID-19 strain dahil sa presensiya ng L452R mutation, na nagpapahintulot sa virus upang makadaan sa immune system ng isang tao at mas mabilis na kumalat sa mga cells.

Inatasan naman na ng DOH ang mga apektadong local government units (LGUs) na paghusayin pa ang kanilang contact tracing efforts at magsagawa ng ‘back tracing’ sa mga Delta variant carriers.

Anang DOH, kailangang mapalawak pa ang pagtunton ng contacts ng mga pasyente hanggang sa third generation para makita kung sinu-sino pa ang apektado nito.

Mary Ann Santiago