Ibinasura ng Sandiganbayan ang ill-gotten wealth case laban sa mag-asawang sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating First Lady Imelda Marcos at dalawang iba pa dahil sa pagkabigo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na patunayan ang kanilang alegasyon sa loob ng 34 taong paglilitis.

Bukod sa mag-asawang Marcos, kasama rin nilang akusado ang namayapang negosyanteng si Ricardo Silverio, Sr at Pablo Carlos, Jr..

Ibinaba ang desisyon nitong Hunyo 30, gayunman, kamakailan lamang ito isinapubliko ng 4th Division ng anti-graft court.

Tinawag na Civil Case No. 0011 ang reklamo na isinampa noong Hulyo 22, 1987, "for reconveyance, reversion, accounting, restitution, and damages" na nag-ugat sa umano'y sinasabing ill-gotten wealth ng mag-asawang Marcos na kinamal umano nila sa panahon ng kanilang panunungkulan.

National

VP Sara, nagkomento sa nakabibing niyang impeachment: 'I want a bloodbath!'

"An assiduous review of all the testimonial and documentary evidence offered by the plaintiff showed that it failed to satisfactorily prove the specific averments in the complaint," pahayag ng korte.

Sa alegasyon ng PCGG, binayaran nina Silverio at Carlos ng daan-daang U.S. dollar ang mag-asawakapalit ng pag-a-award sa kanila ng kontrata sa pagsu-supply ng Kawasaki scrap loaders at Toyota rear dump trucks.

Sa alegasyon ng PCGG, tumanggap umano ang mag-asawa ng special accommodation, privileges at exemptions sa loob ng  tatlong magkakasunod na taon mula sa Central Bank para sa pagtaas ng dollar import quota sa pag-aangkat ng Toyota vehicles sa Delta Motors, Inc., at air-conditioning at refrigerating equipment kahit lagpas na ito sa itinakda ng batas.

Sa rekord ng korte, itinatag ni Silverio ang Delta Motors Corporation noon 1961 at binili ang exclusive right para sa pag-a-assemble at pamamahagi ng mga kotse at truck ng Toyota sa bansa.

Gayunman, binawian ng buhay si Silverio sa edad na 87 noong 2016.

Sinasabi rin ng PCGG na pinayagan din ng mag-asawa ang pagsasagawa ng liberal mode of payment at pagbibigay din preferential status para sa pagpapatupad ng Progressive Car Manufacturing Program ng gobyerno. 

Sinabi rin ng PCGG, nakakuha rin ang mag-asawa ng multi-million peso emergency loans bilang karagdagang puhunan sa Filipinas Bank, isang commercial banking institution na pag-aari ni Silverio.

Kabilang naman sa mga ari-arian na hinahabol ng PCGG ang isang apartment sa Ecology Village sa Makati at shares of stocks sa ilang korporasyon.

Gayunman, itinanggi ito nina Silverio at Carlos at sinabing hindi sila naging opisyal ng gobyerno kailanman at hindi rin sila naiimbestigahan kaugnay ng nasabing mga usapin bago ang pagsasampa ng kaso.

Bago naman namatay si Carlos noong1998, nakapaghain pa ito ng counter claim para sa danyos na aabot sa₱50 milyon, gayunman, ibinasura ito ng korte.

Kabilang naman sa ebidensya ng PCGG ang letter of gratitude na sinasabing ipinadala ni Silverio sa dating Pangulo (Marcos), gayunman, hindi ito pinahalagahan ng korte.

PNA