Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na magpatupad ng travel ban sa mga bansang Malaysia at Thailand dahil sa banta ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, masusing minu-monitor at binabantayan ng DOH Epidemiology Bureau (EB) ang COVID-19 outbreak sa ibang bansa.

Kabilang na, aniya, dito ang Malaysia gayundin ang Thailand, kung saan tila hindi mapigilan ang pagdami ng bilang ng mga dinadapuan ng Delta variant.

Aniya pa, posibleng magbigay ang DOH-EB ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 (IATF) kung daragdagan pa ang bilang ng mga bansang isasama sa travel ban.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

“Tinitingnan natin Malaysia, isa-isahin natin. Tinitingnan din natin ang Thailand kung saan merong parang hindi na mapigilan ang pag-angat ng Delta variant cases. ‘Yan ang ating binabantayan,” anang kalihim sa Laging Handa briefing.

“Pinag-aaralan na rin po ‘yan ng Epidemiology Bureau ng DOH at posible na magbigay ng rekomendasyon para sa IATF kung hahabaan ba ang listahan ng mga travel ban sa mga bansa,” aniya pa.

Ayon naman kay DOH-EB Director Dr. Alethea De Guzman,sa ngayon ay kalat na sa may 98 bansa ang Delta variant, na unang natukoy noong Disyembre, 2020 sa India.

Gayunman, binigyang-diin ni De Guzman na ang dalawang dose ng COVID-19 vaccine ay nananatiling epektibo laban sa Delta variant.

Matatandaang una nang isinama ng IATF ang bansang Indonesia sa listahan ng mga bansang sakop ng temporary travel ban sa bansa.

Bukod sa Indonesia, kasama rin sa travel ban, na epektibo hanggang Hulyo 31, ang mga bansang India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, at Oman.

Ayon sa DOH, hanggang noong Hulyo 4 ay nakapagtala pa lamang sila ng 19 na Delta variant cases sa Pilipinas at lahat ng mga pasyente nito ay pawang returning overseas Filipinos.

Mary Ann Santiago