Tatlumpung milyong piso at inaasahang madadagdagan pa ang kabuuang insentibong naghihintay para sa sinumang Filipino athlete na makakapag-uwi ng inaasam na unang gold medal ng bansa mula sa Olympic Games.

Ito ang inihayag mismo ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham "Bambol" Tolentino noong nakaraang Martes bilang tampok na panauhin sa Philippine Sportswrters Association (PSA) forum.

Ayon kay Tolentino, nangako rin si San Miguel Corporation president Ramon Ang na magkakaloob ng karagdagang pabuya sa mga atletang mananalo ng medalya sa darating na Tokyo Olympics.

"I officially announce na nagpapasalamat din ako kay Mr. Ramon Ang of San Miguel," ani Tolentino.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tatapatan aniya ni Ang, ang nauna ng pahayag ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation na magbibigay ng ₱10 milyon para sa gold medalists, ₱5 milyon para sa silver medalists at ₱2 milyon para sa bronze medalists.

Hindi pa kasama dito ang nakalaang insentibo mula naman sa gobyerno sa mga magwawagi ng medalya ayon sa isinasaad ng Republic Act 10699 kung saan ang Gold medalists ay tatanggap ng ₱10 milyon,  ₱5 milyon para sa silver medal winner at  ₱2 milyon sa bronze.

Sa kasalukuyan ay may kabuuan ng  ₱30 milyon ang naghihintay para sa magwawagi ng unang Olympic gold medal ng bansa kung sakali.

"Hopefully, marami pang darating," ani Tolentino. "Marami pa 'yan. Marami pang magko-commit."

"Sigurado po na meron pang susunod. Marami po akong sinulatan, marami po akong tinawagan. Hindi ko na lang po sasabihin, antayin ko na lang po 'yung paglabas ng commitment nila. So definitely, minimum  ₱30 million 'yun. Meron pang kasunod 'yan," dagdag pa nito.

May 19 na mga atletang Filipino tayong aabangan para sa tsansang manalo ng unang Olympics gold medal sa Tokyo Summer Games na magsisimula na sa Hulyo 23.

Marivic Awitan.