Gusto kong maniwala na nagbibiro lamang si Secretary Silvestre Bello lll ng Department of Labor and Employment nang kanyang ipahiwatig na hindi na kailangan ng mga nagtapos ng pag-aaral ang mga board examinations upang sila ay makapagpraktis ng kanilang propesyon. Ibig sabihin, ang naturang mga degree holders ay maari nang sumabak kaagad sa iba't ibang professional jobs kahit hindi sila nakalusot sa mahigpit na pagsusulit.
Hindi ko makita ang lohika sa naturang pananaw ni Secretary Bello, lalo na kung iisipin na siya ay naging matagumpay na legal practitioner nang siya ay pumasa sa bar examinations. Dahil dito, humawak siya ng makabuluhan at sensitibong mga puwesto sa mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon -- Justice Secretary at ngayon nga ay DOLE Secretary, at iba pang mahahalagang pusisyon sa gobyerno. Totoong kalabisan nang banggitin, subalit nais kong gunitain na lagi niyang binabanggit ang kahalagahan ng board exams sa iba't ibang propesyon nang kami ay nagkasama sa official family o Gabinete ni President Fidel Ramos.
May batayan, kung sabagay, ang mga paninindigan na ang mga board exams sa iba't ibang propesyon -- kabilang na marahil ang bar examinations -- ay pormalidad na lamang. Ibig sabihin, ang mga asignatura sa gayong mga pagsusulit ay napag-aralan na ng mga board examinees sa mahabang panahon ng kanilang pag-aaral sa mga unibersidad. Ngunit hindi mapapasubalian ang katotohonan na ang mga pagsusulit ay ang lagi nang itinuturing na barometro ng karunungan ng mga estudyante.
At lalong hindi mapasusubalian ang katotohonan na ang lahat halos ng mga kompanya at establisimyento dito sa Pilipinas at lalo na sa ibang bansa ay nagpapatupad ng mahigpit na pangangailangan o requirements para sa mga aplikante: Kailangang pasado sa board exams. Nangangahulugan na iyon ang magiging batayan upang sila ay makapagtrabaho -- kaakibat ng magandang posisyon at mataas na suweldo.
Katunayan, ang ating mga kababayang doktor, narses, abugado, engineers, at iba pa ay hindi pinapayagang makapagpraktis ng kanilang propesyon kung hindi sila nakalusot sa board exams. Mahigpit itong ipinatutupad ng Professional Regulations Commission (PRC) upang matiyak na makatarungan at makatao ang ipinagkakaloob nilang mga serbisyo sa sambayanan. Mahigpit din ang ating Civil Service Commission (CSC) sa implementasyon ng gayong mahigpit na patakaran.
Hindi malayo, gayunman, sa paninindigan ni Secretary Bello ang kanyang mga panukala bilang bahagi ng inaakala niyang pagpapahalaga sa mga propesyon na makatutulong sa taumbayan. Ang marapat, marahil, ay makapagpatibay ng mga batas na magtatadhana na hindi na kailangan ang mga board exams sa iba't ibang kurso upang maging malaya ang sinuman sa pagpraktis ng kanilang propesyon.
Celo Lagmay