Dalawang babaeng pinaghihinalaang drug supplier ang inaresto ng mga awtoridad matapos umanong makumpiskahan ng 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1,360,000 sa isang buy-bust operation sa Pateros, nitong Linggo ng hapon.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Sara Mendoza, 23, dalaga, estudyante at taga-San Agustin Street, Brgy. Malinao, Pasig City at Angelica Cabrias, 29, dalaga at taga-502 Suarez St., Pasig City.
Sa imbestigasyon ni S/Sgt. Denar Roda, may hawak ng kaso, ang dalawa ay dinakip ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division-Regional Drug Enforcement Unit (RID-RDEU) ng National Capital Region Police Office sa M. Lozada St., Brgy. Sto. Rosario, dakong 5:30 ng hapon.
Naiulat na binentahan ng droga ng dalawang suspek ang isang police poseur buyer na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito.
Nasamsam sa dalawang suspek ang nasabing halaga ng iligal na droga. at marked money.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kina Mendoza at Cabrias.
Bella Gamotea