Kumpiyansa ang OCTA Research Group na makatutulong sa pagpapababa ng COVID-19 fatality rate sa bansa kung mababakunahan ang 90% ng mga senior citizen hanggang sa susunod na buwan.

Sa isang televised press briefing, sinabi ni OCTA Fellow Dr. Guido David na sakaling makuha ang mga inaasahang bakuna ay posibleng maabot na mabakunahan ang 90% ng mga nakatatanda hanggang sa katapusan ng Hulyo o Agosto.

Paliwanag niya, mataas ang bilang ng mga senior citizen na namamatay dahil sa COVID-19 kaya’t inaasahang bababa ang fatality rate kung mapuproteksiyunan sila laban sa virus.

“Kung makuha natin yung mga ine-expect nating vaccines, I haven’t done any calculations pero mukhang possible naman siya, if not end of July baka by August,” ayon pa kay David.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Malaking tulong ito because if we protect the senior [citizens], bababa talaga yung case fatality rate natin. Pati yung mamamatay due to COVID, kasi yung mga seniors yung medyo mataas ang fatality rate nila,” aniya pa.

Batay sa datos, mula sa 8.2 milyong senior citizens sa master list ng pamahalaan, 2.6 milyon pa lamang ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna habang 915,000 naman ang fully vaccinated na.

Mary Ann Santiago