Iminungkahi ng OCTA Research Group na dapat manatili pa rin ang Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) hanggang sa Hulyo 31, bunsod na rin nang nananatiling banta ng Delta COVID-19 variant.

Sa isang televised press briefing, sinabi ni Dr. Ranjit Rye ng OCTA Research Group, na maaari namang magluwag sa pagbubukas ng mga business establishment ngunit dapat pa rin aniyang mapanatili ang istriktong health protocols sa National Capital Region (NCR).

Dagdag pa ng eksperto, maganda na ngayon ang sitwasyon sa NCR ngunit kailangan pa rin mapanatili ang ganitong kondisyon, habang pinaiigting pa ang tuluy-tuloy na pagbabakuna sa mga residente laban sa COVID-19.

“Sa NCR, I think we should continue with GCQ. Pwede tayo magluwag doon sa business establishments. Kaya ko sinasabi ito kasi may banta tayo ng Delta [variant],” ayon kay Rye.“Although maganda sitwasyon ngayon sa NCR, kailangan tuluy tuloy at ma-sustain natin ito habang sinasabayan natin ng pag-increase ng vaccination natin.”

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi pa ni Rye, sa ngayon ay hindi pa handa ang Metro Manila na maisailalim sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) dahilkailangan pa ng pamahalaan na palakasin ang monitoring at pagpapatupad ng minimum public health standards.

Nagpaalala rin naman si Rye sa mga mamamayan na huwag maging kampante at patuloy pa ring maging maingat at tumalima sa mga health protocols laban sa COVID-19 dahil nananatili ang banta ng virus.

“Marami na ang nagkukumpiyansa, at nagpapabaya lalo na sa minimum public health standards. Nandito pa ang COVID-19, buhay na buhay pa siya, at mahahawa kayo pag hindi kayo mag-iingat,” aniya pa.

Ang NCR ay kasalukuyan pang nasa ilalim ng GCQ with some restrictions hanggang sa Hulyo 15.

Inaasahan namang iaanunsiyo ng pamahalaan ang bagong quarantine classifications para sa Hulyo 16 hanggang 30 sa mga susunod na araw.

Mary Ann Santiago