Tiwala si dating Senador Antonio Trillanes IV na hindi mananalo ang Duterte-Duterte tandem sa eleksyon sa Mayo 2022 dahil naranasan na raw umano ng mga Pilipino ang kanilang “brand of service.”
“Let them be rejected. Ako, mas prefer ko ‘yan tumakbo as vice president para dalawang Duterte ire-reject totally ng mga Pilipino,” ayon kay Trillanes nitong Martes, Hulyo 13 sa Teleradyo.
Inakusahan ni Trillanes si Duterte na nais lamang nito tumakbo bilang bise presidente para maprotektahan ito sa mga kasong isasampa laban sa kanya dahil sa mga paglabag nito sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang administrasyon. Mayroon pang kaso laban sa Chief Executive sa International Criminal Court (ICC) dahil sa sinasabing bloody war on drugs.
“It will not protect him pero alam n’yo ang attitude ko diyan is, sige patakbuhin sila, patakbuhin si Sara, presidente. Siya, as vice president, kasi naniniwala naman ako na ‘yung mga Pilipino, hindi na ito pa uulitin,” ayon kay Trillanes.
“Kasi sinampolan na sila ng kanilang brand of service. Wala eh, talaga lang palpak,” dagdag pa nito.
Sinabi niya na hindi labis ang kumpiyansa ng oposisyon, kundi binabanggit niya ang internal survey na kung saan ipinapakita ang pagkahuli ni Duterte.
Naniniwala si Trillanes na kahit ni-reject ni Sara Duterte-Carpio ang pagtakbo bilang presidente, gagawin pa rin niya ito para maprotektahan ang ama mula sa criminal prosecution.
“Misdirections lang ‘yan. Pagdating ng filing si Sarah Duterte pa rin ang patatakbuhin,” aniya.